Linggo, Disyembre 25, 2011

Pagmumuni sa Maikling Kuwento: Haba

Paano nga ba pahahalagahan ang maikling kuwento kaiba ng ibang anyong naratibo lalo na kumpara sa nobela? Maraming mga kritiko, tulad ni Norman Friedman, ay tumututok sa haba nito. Sa pangalan pa lamang, "maikling kuwento", itinatanghal na ang haba bilang isang mahalagang salik ng henerikong katangian nito.

Madalas na inilalarawan na ang maikling kuwento ay maaaring mabasahin sa isang upuan. Ngunit paano ang mga nobelang kaya ring basahin sa isang upuan, hindi ka nga lang tatayo nang magdamag? Paano ang mga kuwentong hindi mo matapos-tapos sa isang upuan dahil nahihirapan kang basahin? Sa ganito, subhetibo ang katangiang ito. Depende sa mambabasa o depende sa akda ang katangiang ito.

Kumakatig naman ang iba sa bilang ng pahina. Sa Palanca Awards, 10 hanggang 25 pahina ang itinatakdang haba ng kategoryang maikling kuwento. Sa Likhaan Journal, 10 hanggag 30 pahina ang hinihingi nila. Paano ngayon ang mga kuwentong nasa ilalim ng 10 pahina? Hindi ito maikling kuwento? Paano ngayon ang dagli o flash fiction?

Abstrakto kung gayon ang konsepto ng haba. Kung pag-uusapan ito, marahil kailangang suriin pang mabuti ang tunay na kaibuturan ng maikling kuwento.

Biyernes, Disyembre 23, 2011

Landscapes ni Clinton Palanca

Palanca, Clinton, Landscapes. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1996.

Paulit-ulit na tema sa kalipunang ito ni Clinton Palanca ay pagtakas at paglalakbay, lalo na sa mga kuwentong fantastiko. At isang paulit-ulit na tagpuan ay ang isla. At ang paulit-ulit na uri na mga tauhan ay mga tagalungsod na naglalakbay palayo mula rito. Sa "The Island", isang mag-asawa ay nagmamay-ari ng isang isla't otel. Dating mga tagalungsod, mapapansin na pagtatangka nilang makalayo, ngunit hindi rin, mula sa kanilang nakalipas na buhay. Sa "The Tale of the Silver Dolphin", ang pangunahing tauhang babae ay nakatira rin sa isang isla ngunit susundan ng kuwento ang kanyang pagtakas mula sa kanyang tila kulungang palasyo. Sa "The Magician" at "The Temple of Aphasia", mga tauhang naglalakbay sa gitna ng isang exotikong kaligiran ang pangunahing mga tauhan bagaman tila misteryo kung bakit sila nagalakbay, saa sila galing at saan sila papunta. Pagtakas mula sa isang gitnang uring mundo ang "The Picture" na tungkol sa isang tagalungsod na literal na nilamon at pumasok sa isang fantastikong imahen. Sa "The Elf that was Made of Shadows" at "The Brothel of Lost Loves", pag-ibig bilang paghahanap at pagtakas ang pangunahing suliranin. Sa "City on Fire", pagtakas mula sa isang mundong unti-unting nawawasak ang pangunahing suliranin. Sa "Saturday", isang tauhang nagluluksa sa mga bagay at buhay na lumilipas ang itinatampok gamit ang wikang matalinghaga. Sa "The Coming of the Fairies", isang tauhang hinaharap ang pagkawasak ng kanyang pamilya ang itinatampok sa kuwentong fantastikong ito. Mga coming-of-age stories naman ang "In Days of Rain" at ang "The Apartment".

Mapapansing nakaugat sa isang napakagitnang-uring sensibilidad ang mga fantastikong kuwento. Maliban sa duwende, na kung tutuusin ay kanluraning nilalang na nakuha natin mula sa mga Kastila, karamihan ng mga kuwentong fantastiko'y kanluranin. Ibang-iba sa tipo ng fantastiko na katatagpuan kay Tony Perez, halimbawa, malay na inuugat ang kanyang fantastiko sa katutubo at Filipinong salik. Hindi naman sa masama ito, isang pansin lamang.

Huwebes, Disyembre 22, 2011

Barriotic Punk ni Mes de Guzman

de Guzman, Mes, Barriotic Punk. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2002.

Sa "Barriotic Punk" ni Mes de Guzman, napansin kong halos common sa lahat ng kuwento sa kalipunang ito ay karahasan. Tungkol sa karanasang pinagdadaanan ng isang fraternity ang "Samtoy". Exploitation, sa pinansiyal at sikolohikong antas, ang pinapaksa ng "Baboy na di Matuhog-tuhog sa Litsunan". Tungkol naman sa assasination ang kuwentong "Isang Mahaba't Mapayapang Paglalakbay". Karahasang dulot ng pagkakahiwa-hiwalay ang tema ng "Kuwadro Kuwarto". Karahasan din ang naging self-expression ng mga binatang tauhan sa "Barriotic Punk". Militarisasyon at hazing ang sa "Sagwan" at "Plebo". Bagaman tungkol sa kaburyongan at pagkamanhid ang "Digital Buryong", mayroon ding mga sandali ng karahasan. Parody ang "DaULTRaINTErMEGALAKTIkPinOyHerO" ng mga action movies kaya eksaherado ang palalahad nito ng karahasan. Ang pagkakawatak-watak naman ng isang pamilya ang paksa ng "Angkel Anghel". Pagbaluktot ulit sa kamalayan ang itinatanghal sa "Reklamador".

Ang pinakanagustuhan kong kuwento siguro ay ang "Plebo" at "Reklamador". Pabago-bago ang punto de bista ng "Plebo" pero nagustuhan ko rin ang ambiguity nito pagdating sa katapusan. Surprising ang "Reklamador" pero puwede mo pa ring basahin nang paulit-ulit. At na-pull-off ni de Guzman ang 2nd person na pagsasalaysay. Nagpapakita ng pagkatiwalag ang ganitong uri ng pagsasalaysay na sumasalamin sa pagkatiwalag na nararanasan ni Arturo bilang manggagawa. Tawa naman ako nang tawa sa "DaULTRaINTErMEGALAKTIkPinOyHerO". Kung magbalik man sa pagsusulat ng katha si Mes de Guzman (nakatutok siya ngayon sa paggawa ng mga pelikula nitong nakalipas na mga taon), sa maikling kuwento man o nobela, pananabikan ko ang kanyang susunod na mga katha.

(Unang bersiyon ay mula sa http://bagongpook54.blogspot.com/2008/09/book-fair-adventure-2008.html)

Miyerkules, Disyembre 21, 2011

Philippines 20000, Ltd. ni Rolando B. Tolentino


Tolentino, Rolando B., “Philippines 20000, Ltd.” Fastfood, Megamall at iba pang Kwento sa Pagsasara ng Ikalawang Milenyum. Manila: De La Salle University Press, Inc., 1999, p. 35-41.

Umiikot ang kuwentong “Philippines 20000, Ltd.” ni Rolando B. Tolentino sa isang araw ng buhay ni Ficus.[1] Futuristiko ang tagpuan ng kuwento ngunit masasabi ring satirikal ang kabuuang pag-atake ng kuwento sa mga tema’t isyung tinatalakay nito. Magsisimula ang kuwento sa paggising ni Ficus isang umaga. Sa halip na maligo, umihi o kumain, ang unang ginawa ni Ficus ay ikonekta ang kanyang katawan sa kompiyuter at sa Internet. Dahil sa patuloy na pagkabit sa kompiyuter, naging “tingting” na ang kanyang katawan. Sa kuwento, sapat na ang manatiling mabuhay at malay si Ficus para gawin ang kanyang pang-araw-araw na gawain. Mga gawaing nakatuon sa Internet. Umiikot ang buhay ni Ficus sa Internet. Sa Internet niya pinamamahalaan ang kanyang balut subcontracting business. Maging ang pagpapalipas ng oras ay ginagawa niya sa Internet.

Sa mundong itong ginagalawan ng “Philippines 20000, Ltd.”, nasa pinakarurok na ang pamamayani ng sistema ng kapitalismo sa buong mundo. Maaaring maging kapitalista ang isang ordinaryong mamamayan at maging mayaman dahil paglago ng teknolohiya. Mga kompiyuter na may komplikadong artificial intelligence (AI) ang namamahala’t sumusubaybay sa stocks na pumapalaot sa pabugso-bugsong daloy ng stock market. Ang mga ito rin ang namamahala’t sumusubaybay sa supply at demand ng iba’t ibang negosyong pagmamay-ari ng mga tao. Kaya’t mahalagang bahagi ng mismong pagkatao ng mga tao sa mundong ito ang makina/kompiyuter na kanilang ginagamit. “Tanging kurdon ng kuryente ang bumabalot sa kanyang tingting na katawan.” Halos iisa na si Ficus sa kompiyuter niya at tila isa siyang taong nakakabit sa isang intensive care unit (ICU) sa ospital. Ang makina ang nagbibigay-buhay sa kanya at makikita natin na hindi lamang ito sa isang pisikal na antas kundi pati na rin sa isang existensiyal na antas.

Sa pagbukas ng kanyang kompiyuter at pag-ugnay sa Internet, lalabas ang personal na AI ni Ficus, si Ligaya. Tulad ng ibang mga “Ligaya” sa mga naunang mga akdang pampanitikan, tulad ng Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes, na kumakatawan sa isang partikular na ideal, salamin si Ligaya ng mga inaasam na “ideal” ni Ficus. Subalit sa halip na kumatawan sa ideal ng pag-ibig tulad ni Ligaya sa Sa mga Kuko ng Liwanag, ang Ligaya ng “Philippines 20000, Ltd.” ay kumakatawan sa finafantasyang babae ni Ficus at, gayun din, sa finafantasyang kita ng kanyang mga negosyo. Ganito ang unang usapan nina Ficus at Ligaya sa araw niya:

Ligaya, ano ang hatid mo para sa akin? tanong nya sa CPU.
Nagblink ang screen at bumukas ang isang matrix.
Bottomline, profit will be down by 2.222% by 17:00, seductive na sagot nito kahit nakompyut na ni Ficus ang datos sa kanyang mini-calculator na inimplant na sa kanyang kanang mata. Gusto lamang nyang mapakinggan ang boses ni Ligaya.[2]

Kahit na kaya na niyang malaman ang kalagayan ng kita o hinaharap na kita ng kanyang mga stock at kumpanya sa pagtingin lamang sa screen o sa pagtingin lamang sa calculator sa kanyang mata, tinanong pa rin ni Ficus ang nilalaman ng screen dahil “gusto lamang nyang mapakinggan ang boses ni Ligaya.” Dahil si Ligaya ang namamahala sa mga negosyo, direktang nauugnay din  ang kita at sekswalidad. Ang bawat kitang naitatala ng mga stock ni Ficus ay may katapat na kahali-halinang boses mula kay Ligaya. Dito, naghahalo ang pagnanasa para sa babae at pagnanasa para sa kita. Naka-program kay Ligaya ang mga katangian na nais ni Ficus sa isang babae—may kaakit-akit na boses, malandi sa pagsasabi ng mga datos at masunurin sa kanyang mga kagustuhan. Nang malaman ni Ficus ang masamang balita at nagpakita ng galit, “hindi kumibo ang CPU, bigla na lamang humikbi at mahinang sumagot: Ipagpaumanhin nyo.”[3] Naka-program na kay Ligaya na rumesponde sa partikular na mga damdamin ni Ficus. Si Ligaya ang perpektong babae. Ginagawa ang lahat ng iniuutos sa kanya at sensitibo sa mga pangangailangan at damdamin ng lalaking kanyang pinagsisilbihan. Subalit maliit na bahagi lamang si Ligaya sa kabuuang network na bahagi si Ficus. Nariyan ang mas malaking mundo ng Internet at ang internasyunal na kapitalistang ekonomiya.

Pagkatapos na ayusin ang mga pagkakamaling nagawa ni Ligaya, diretso agad sina Ficus at Ligaya sa pamamalakad ng kumpanya ni Ficus. Dalawang problema ang agad ang lilitaw sa araw na iyon. Una, nawalan ng chief cook si Ficus at kailangan niya itong punuan. Sa libo-libong posibleng kapalit, dalawang pinansin ni Ligaya. Isa’y Rusong may sampung Ph.D. at ang isa naman ay magfi-fishball. Pinili ni Ficus ang magfi-fishball dahil sa praktikal na kakayahan at karanasang mayroon ito kumpara sa Rusong may sampung Ph.D. na isang “professional student” ayon sa kuwento. May malinaw na pagkiling kung ganoon si Ficus para sa kakayahan kumpara sa kaalaman. Eksaherado itong bahagi ng kuwento at malinaw na puna sa pagkiling ng mga kumpanya sa isang manggagawang napatunayan na ang kanyang pagiging manggagawa at isa ring puna sa kasalukuyang eksaheradong pagpapahalaga sa mataas na antas ng edukasyon.

Ang pangalawang problemang kinaharap ng kumpanya ni Ficus ang pagbaba ng supply ng balut ng kanyang kumpanya dahil napeste ang balut plant niya sa Pateros. Bilang solusyon, in-outsource na lamang ni Ficus ang paggawa ng balut. Una niyang opsyon ay sa Zimbabwe ngunit may banta ng ebola virus kaya’t sa Kampuchea (Cambodia) ang napili niyang lugar na pagtayuan ng bagong balut factory.

Sa harap ng dalawang problema na ito, madaling nasosolusyunan ni Ficus ang mga problema na ito ng kanyang kumpanya sa tulong ng Internet at ng malawak at laganap na teknolohiya ng telekomunikasyon. Sa pag-usbong ng isang pandaigdigang merkado, kinakailangan ng isang matatag na sistema ng komunikasyon upang madali ang paggawa at pagdaloy ng mga produkto. Para kay Ficus, napakahalaga ng telekomunikasyon lalo na sa isang “one-man operation” tulad ng sa kanyang kumpanya. Nagagawa ni Ficus na kontrolin nang personal ang kumpanya kasabay ng pagharap sa iba’t ibang problemang kakaharapin nito sa ano mang bahagi ng mundo.

Subalit kung ano mang tulong at bentaha ang ibinibigay ng telekomunikasyon para kay Ficus ay mayroon ding kaakibat na mga panganib at pagkukulang. Pangunahing problema na kakabit sa kompiyuter at Internet ay ang problema sa pagsasakasaysayan at pag-alala. Pagkatapos solusyunan ang mga problemang kinaharap ng kanyang kumpanya, binalikan ni Ficus ang naging kasaysayan ng Jollibee. Makikita ang pagkukulang ng kompiyuter sa pagtatala ng kasaysayan at pag-alala nang ia-access ni Ficus ang lumang video ng Jollibee.

Lumabas ang media footage ng birthday party celebrations, ang higanteng bubuyog na mascot, at isang endorser na nagngangalang Aga A. Walang makitang apelyido. Buhaghag kasi ang files simula nang magconvert ang system at network sa homedelivery ang Jollibee at magtayo na lamang ng mga kariton sa kanto-kanto…[4]

Makikita ang limitasyon ng kompiyuter. Kung wala o mawala sa hard drive o sa files ng kompiyuter ang isang partikular na datos, mahirap na itong makita o mabawi. At hindi ito kakaibang karanasan para sa atin sa kasalukuyan na maaaring ilang beses na na-virus o nasira ang kanilang kompiyuter. Tila pangkaraniwang karanasan ang mawalan ng mga file at datos dahil sa mga dahilan na ito. Kaya’t lalaganap ang gawain ng pagba-back-up ng mga files sa CD, DVD, flash drive at maging sa Internet. Dito sa kuwento, makikita na mawawala sa kasaysayan ang alaala ni Aga Muhlach dahil lamang “buhaghag” ang mga file tungkol sa nakaraan ng Jollibee.

Makikita rin ang ganitong pagkukulang sa pagsasakasaysayan at pag-alala nang banggitin ni Ligaya kay Ficus ang mga ibinebentang vintage na mga produkto sa merkado (nangongolekta kasi si Ficus ng linoleum). Bago pa man buksan ang eBay sa Internet, ipinapakita na ni Tolentino ang konsepto nito sa kuwento. Babanggitin ni Ligaya ang mga produktong maaaring mabili.

Isang sexy Judy Anne poster mula sa Chika-chika, tatlong higanteng rosaryong kahoy mula sa Baguio, isang bayong ng everlasting (totoo palang di nalalanta itong bulaklak), mga samut saring souvenir at give away sa kasal nina Gabby S. at Sharon Panguilinan.
            Umiinit na ang kanyang ulo. Sharo Cuneta!, ano ka ba naman, Ligaya. Ilang beses ko na bang pinau-update ang records mo. Kahit kailan, kahit nang umabot si Sharon ng 445 lbs., di nya pinalitan ang apelyido ng kanyang tatay, ang longest mayor ng Pasig, si Erap Estrada.[5]

Patong-patong ang pagkakamali sa sipi na ito. Una, mali ang apelyido ni Sharon at “itatama” ito ni Ficus. Ngunit tulad ni Ligaya, may mali rin ang impormasyon na alam ni Ficus tungkol kay Sharon. Mali ang amang binanggit ni Ficus kayundin, mali ang lungsod na pinamahalaan ng ama ni Sharaon (Pasay City) at maging ang lungsod na pinamahalaan ni Erap (San Juan). Kung ang nakalagay sa kompituter, mali man o tama, ay pinaniniwalaan niyang totoo at walang sistema na maaaring magtama sa mga pagkakamali niya. Bagaman konektado siya sa Internet, maaaring mali pa rin ang datos ang na nakalagay doon. Nang nagsisimula ang Wikipedia, kakabit na rin ng naunang pagduda sa impormasyong nasa Internet, inatake ito sa dami nitong pagkakamali at kakulangan ng pamantayan.

Magiging malinaw kung bakit ganito magulo at mali-mali ang alaala ni Ficus. Biglang titili si Ligaya bilang babala sa biglang pag-atake ng mga hacker sa kompiyuter ni Ficus. Dalawang beses nang na-hack si Ficus noon.

Noong una, naging bankrupt sya dahil sa mga ninakaw na data, kamuntik pa syang makulong kung hindi lamang pakinggan nang husto ng on-line Court of Appeals ang kanyang pighati. Sa ikalawang beses, pay-off na. Kahit anong hinihingi ng hackers, dahil, kung sakali, tiyak ang lanyang sintesya mula sa on-line Supreme Court.

Dahil nakasalalay sa kompiyuter ang trabaho’t negosyo, ito ang inaatake ng mga hacker. Nang kumalat ang “I Love You” virus, libo-libong kompiyuter na ang nasira’t maraming mga kumpanya ang naabala’t nasira ang negosyo. Ngunit hindi lamang sa pagsira ng data ang pakay ng mga hacker. Ninanakaw nila ang impormasyon mo upang pagkakitaan. Ito ang pangunahing krimen na maaaring gawin ng hacker sa kasalukuyan.[6]

Dito sa kuwento, ipinakikita ang malabnaw na hangganan sa pagitan ng virtual na identidad sa tunay na identidad labas ng kompiyuter at Internet. Nakasalalay sa kompiyuter ang kabuuang kabuhayan at maging ang buhay ni Ficus. Bagaman nasa bahay lamang si Ficus, nakakabit sa mga makina’t sa kompiyuter ang kanyang katawan, nananatiling mapanganib ang kanyang buhay. Isang two-way system ang Internet. Tulad ng nagpapadala ang kompiyuter ng datos palabas, tumatanggap din ito ng paloob. Sa kompiyuter nakalagay ang lahat ng datos na mayroon si Ficus, buong buhay niya at buong negosyo niya. Para mabangkarote, kailangan lamang pasukin ng mga hacker ang kompiyuter at nakawin ang datos. At mapanganib ang pagnanakaw ng datos hindi lamang sa negosyo ni Ficus kundi pati sa kanyang personal na buhay. Muntik nang makulong si Ficus dahil maaaring nakuha rin ng mga hacker ang mga gawaing ilegal na maaaring nagawa niya noon. Puno ang mga kompiyuter natin ng impormasyong inaakala nating hindi makikita ng iba o maaaring hindi rin natin alam na naroroon. Bagaman hindi sinasabi ng kuwento kung ano ang mga posibleng itinatago ni Ficus na maaaring magdulot ng pagkakakulong, malinaw na ayaw na niyang maulit ang muntikang pagkakakulong dahil sa mga ginawa niya. Kaya binayaran na lamang niya ang mga hacker at naging maingat sa seguridad ng kanyang kompiyuter.

Sa kuwento, dahil malabnaw ang virtual na identidad sa tunay na identidad, tila walang pinagkaiba ang labas sa loob. Madaling pasukin ang loob ng hacker tulad na madaling lumabas ang loob tungo sa Internet. Upang kalabanin ang mga hacker na nagpatili kay Ligaya, kailangang pumasok ng kamalayan ni Ficus sa Internet. Bagaman mga “grade 2.25” lamang mga hacker na iyon, kinabahan pa rin si Ficus. Para makapagpahinga, nagpalutang-lutang muna ang kanyang kamalayan sa Internet, nagpamasahe ng “cyberspace ego” atbp. Ulit, ipinakikita ng kuwento ang laya ng kamalayan sa Internet pero sa may kaakibat na panganib dahil bago umalis sa kanyang katawan, nangamba rin si Ficus na baka makidnap ang kanyang kamalayan.

Dahil malabnaw ang konsepto ng o pagkakakilanlan sa kasaysayan kasabay ng malabnaw na hangganan ng loob at labas, malabnaw din ang konsepto’t pagkakakilanlan sa kultura. Babalik sa pagsha-shopping si Ficus at muling maglilista ng mga produkto si Ligaya.

Mula sa seductive voice ni Ligaya, heto ang mga bagong offers: poster ng alak ni Anjannette, poster ng Red Bull ni Rosanna, kalendaryo ni Jay Manalo, mga seramikong dwende’t crane para sa fishpond, centennial Swatch watches, ilang isyu ng Liwayway at Bannawag, tigre’t asong manyikang nilalagay sa kotse’t tumatango-tango, mga polyeto ng ten-year commemoration ng Mendiola massacre, naiwang tsinelas at sumbrero mula sa Mendiola massacre, voice tape messages ng mga Pinoy OCWs sa Saudi Arabia bago natuyot ang lahat ng petroleum ng bansa, voice tape ng proceedings sa Chinese New Year poetry reading sa CCP circa 1998, ilang original prints ni BenCab. Kaagad nyang sinulatan ang largest trivia shopping news group para irekomendang i-delete ang last two items. Di at par sa estetika ng ibang items sa cyber-brochure ng antique shopping network.[7]

Katawa-tawang may “estetika” si Ficus ngunit kung may punto rin naman siya. Kailangang pansinin na “mass-produced post-World War II at pre-Third Millenieum items” ang kategorya ng mga produkto na ito. Malinaw naman na hindi “mass-produced” ang mga poetry readings at mga orihinal na print ng mga pintor. Pinaglalaruan ni Tolentino ang salitang “mass-produced”. Hindi nilikha ang huling dalawang produkto para sa consumption ng masa di tulad ng mga poster ng alak o poster at kalendaryo ng mga artista. Gayundin, hindi galing sa “masa” ang huling dalawang produkto di tulad ng mga polyeto at ng tsinelas at sumbrero tungkol at galing sa Mendiola massacre. Walang malinaw na politika sa pagtingin ng kultura maliban na lamang sa malabong pagkakaunawa sa salitang “mass-produced”.

Isa sa mga huling gawain ni Ficus ay makipagpulong sa iba pang mga negosyante tungkol sa kanilang taunang benefit auction para sa kapakanan ng mahihirap. Kasunod nito ay ang parangal na TOYM dahil sa kanyang pagnenegosyo. Pagdating ng hatinggabi, sisimulan na ni Ficus na tapusin ang kanyang araw. Isasara niya ang kanyang pagawaan ng balut at aaprubahan ang pagtanggap ng bagong chef na dating magfi-fishball. Pagkatapos pa lamang ng “ilang dosage pa ng shabu, tylenol plus 10,000 mgs., sampung caffeine high, tatlong virtual sex climax” magtatapos ang araw ni Ficus. Alas-dos bente otso ng umaga bago pa lang talaga siya simulang matulog subalit hindi siya makatulog. Sa isip niya’t may mga elektrikong tupa na lumulundag sa isang elektrikong bakod. Pinanonood niya ang sariling imahen na natutulog subalit hindi talaga siya tulog o makatulog. “Ngunit kahit ilang beses na syang nagpapatak ng moisturizer, mahapdi pa rin ang kanyang dilat na dilat na matang balisang nag-aantay sa muling pagbangon.”[8] Sa pagtatapos na ito lamang talaga magiging malinaw ang kabigatan ng pagiging isang negosyante sa panahon na wala nang empleyado.

 Bagaman ikinukuwento lamang ang isang araw ni Ficus, nagtatapos ito sa tila isang loop. Sa dulo ng lahat, nagiging makina na lamang ang sariling hindi na kayang matulog at hindi na kayang managinip at mag-isa si Ficus sa kanyang pagkabalisa. Balisa siya dahil sa kanyang kalagayan na walang katapusang ngayon.


[1] Rolando B. Tolentino, “Philippines 20000, Ltd.” Fastfood, Megamall at iba pang Kwento sa Pagsasara ng Ikalawang Milenyum (Manila: De La Salle University Press, Inc., 1999), p. 35-41.
[2] p. 35
[3] p. 35.
[4] p. 37
[5] p. 38
[6] Sa kaso ni Kevin Mitnick, na-hack niya ang mga sistema ng iba’t ibang kumpanya tulad ng Motorola, Fujitsu, Sun Microsystems at iba pa. Nakapagdulot ang kanyang hacking ng milyon-milyong dolyar na pagkalugi sa bahagi ng mga kumpanyang kanyang na-hack. Nakuha sa http://www.justice.gov/criminal/cybercrime/mitnick.htm.
[7] p. 39.
[8] p. 41.

Martes, Disyembre 20, 2011

Pagluwas ni Zosimo Quibilan Jr.

Quibilan, Zosimo Jr., Pagluwas. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2006.

Bumabaybay ang "Pagluwas" sa pagitan ng pagiging nobela at kalipunan ng maiikilng kuwento. May mga piling mga bahagi na nag-uugnay at nagtatagni sa akda upang bigyan ito ng kabuuang naratibo, tulad ng simula at ng katapusan. Kayang tumayong ng bawat kuwento sa sarili nitong puwersang naratibo. Halos lahat ng mga kuwento ay tungkol sa pagkasawi o pagkukulang ng sarili. At nagiging matingkad ito sa konteksto ng mga ugnayan at relasyon ng mga tauhan. Karamihan ng kuwento, tulad ng "Cassette Tape", "Lipstick", "Tinidor" at "Visitor's Pass", ay umiikot sa pag-ibig o ang kawalan ng pag-ibig. Ang iba naman, tulad ng "Voltes V" at "Airgun Pellet", ay tungkol sa kabataan at ang maselan nitong kalagayan sa isang magulong mundo. Pero mahirap basahin ang buong "Pagluwas" ayon sa tema lamang. Marahil maraming pagbasa pa ang kailangang gawin para makita ang kabuuang istruktura ng akda. Kung mayroon nga ba itong estruktura. Payak ang bawat dagli at madaling pasukin. Personally, hindi ako nabitin sa bawat isa.

(Unang bersiyon mula sa http://bagongpook54.blogspot.com/2008/08/nostalgia.html)

Lunes, Disyembre 19, 2011

after the quake ni Haruki Murakami



May koneksiyon, kalimitan ay bahagya, ang lahat ng anim na kuwento sa kalipunang ito ni Haruki Murakami sa nangyaring lindol sa Kobe. Tila walang nangyayari sa bawat kuwento ngunit ganoon naman palagi ang mga maiikling kuwento ni Murakami. May mga tauhang nahaharap sa kawalan, tulad sa mga kuwentong "UFO in Kushiro" at "Landscape with Flatiron". May mga tauhan namang may nakaraang tila aninong nagbabadya sa kanilang kasalukuyan, tulad sa mga kuwentong "All God's Children Can Dance" at "Thailand". Mayroon namang nasa bingit ng pagbabago, tulad sa mga kuwentong "Super-Frog Saves Tokyo" at "Honeypie". Tangential kalimitan ang relasyon ng Kobe sa buhay ng mga tauhan ngunit tila, sa isang espiritwal na antas, nararamdaman ng mga tauhang ito ang lindol doon.

(Unang bersiyon sa http://bagongpook54.blogspot.com/2009/01/kasal-atbp.html)

Linggo, Disyembre 18, 2011

Feast and Famine: Stories of Negros ni Rosario Cruz Lucero

Cruz Lucero, Rosario, Feast and Famine: Stories of Negros. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2003.

Binubuo ng limang mahahabang kuwento, umiikot ang mga kuwento ng "Feast and Famine" ni Rosario Cruz Lucero sa Negros (hindi pa ba obvious sa subtitle?) mula sa panahon ng mga Kastila hanggang sa panahon ng higit na kontemporanyo. Bagaman mahahabang mga kuwento, may kakayahan si Lucero sa wika't pagkukuwento kaya't mabilis ang pagbasa ko. Maiuugnay ito sa tradisyong oral, partikular na ang mga composo ng Negros, na tinatangka ni Lucero na angkupin sa karamihan ng mga kuwentong ito. Ngunit marami ring mga nibel at intertextuality ang mga kuwento. Dito naman nilalampasan at dinadagdagan ni Lucero ang mga anyong oral na inaangkop niya. Puno ang mga kuwento ng mga bersiyon, ng mga kontradiksyon na nagbibigay ng tensiyon sa kanyang mga kuwento, bukod pa sa mga kakatwang mga katangian ng kanyang mga tauhan. Bagaman magaang basahin, masalimuot ang mga kuwento at karapat-dapat basahin ng lahat.

(Unang bersiyon mula sa http://bagongpook54.blogspot.com/2009/04/ilang-tala-sa-mahal-na-araw-2009.html)

Biyernes, Disyembre 16, 2011

Mga Kuwentong Kapos ni Jun Cruz Reyes


Reyes, Jun Cruz, "Mga Kuwentong Kapos," Utos ng Hari at Iba Pang Kuwento. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, Ikalawang Edisyon, 2002, p. 85-102.


(Sa sanaysay na ito, tinangka kong unawain ang pananaw ni Fredric Jameson tungkol sa postmodernismo at ilapat ito sa aking pagbasa ng "Mga Kuwentong Kapos" ni Jun Cruz Reyes.)

Postmodernong Kakapusan: Ang Postmodernismo ni Fredric Jameson at ang “Mga Kuwentong Kapos” ni Jun Cruz Reyes

Para kay Fredric Jameson, sa kanyang “Postmodernism and Consumer Society,”[1] mahirap bigyang kahulugan ang “Postmodernism.” Ngunit nagbigay siya ng isang kabatiran:

“...first, most of the postmodernisms... emerge as specific reactions against  the established forms of high modernism, against this or that high modernism which conquered the university, the museum, the art gallery network, and the foundations.”[2]

[...una, karamihan ng mga postmodernismo... ay lumitaw bilang isang reaksiyon laban sa mga naitatag na mga anyo ng high modernism, laban sa ganito’t ganoong high modernism na tinanggap ng pamantasan, ng museo, ng art gallery network, at ng mga foundations.]

Kaya’t kagaya ng ginawa ng modernismo bilang sagot sa mga mapanikil na pamantayan ng kanilang lipunan, naging sagot ang postmodernismo sa mga paninindigan ng modernismo. Ngunit inaamin ni Jameson na mahirap pa ring bigyang-kahulugan kung ano nga ba ang postmodernismo dahil mga “local” o partikular na reaksiyon ang mga ito sa modernismo at hindi isang malawakang kilusan.

Bukod pa rito, nabatid rin ni Jameson ang isa pang katangian ng postmoderno:

“...postmodernisms is the effacement in it of some key bounderies or separations, most notably the erosion of the older distinction between high culture and so-called mass or popular culture.”[3]

[...napapaloob sa mga postmodernismo ang pagbubuwag ng ilang mahahalagang hangganan o paghihiwalay, lalo na ang pagbubura ng lumang pagkahiwalay ng high culture at ng sinasabing kulturang masa o popular.]

Hindi lamang ito, binubura na rin ng postmodernismo ang mga paghihiwalay ng mga genre at ng disiplina sa loob ng pamantasan. At bilang halimbawa, binigyang pansin ni Jameson ang teoriyang nabuo sa Pransiya, kagaya ng mga pag-aaral ni Michel Foucoult, isang uri ng teoriyang mahirap ikahon. Pilosopiya ba iyon? Baka naman araling panlipunan? Di kaya kasaysayan?

Kaya kung titingnan ang kuwentong “Mga Kuwentong Kapos” ni Jun Cruz Reyes,[4] mapapansin ang mga batid na ito ni Jameson sa mga katangian ng kuwento. Isang sagot ang kuwento sa ating nakagisnang uri ng “maikling kuwento.” Binubuo ng apat na magkakaibang mga vignettes, tumataliwas ang ganitong anyo ng isang kuwentong may iisang banghay. Kaya’t nagiging “malabo” rin kung saan ilalagay ang kuwento, isa ba itong kuwentong likhang isip o isang sanaysay ng isang manunulat? Maitatanong ito dahil sa simula at pagtatapos ng akda, ipinapakita ang kamalayan ng tagapagsalaysay bilang isang manunulat. Ito rin kaya si Jun Cruz Reyes o isa lamang likhang persona? Ngunit hindi lamang ang dalawang nabanggit na kabatiran ni Jameson ang katangian ng postmoderno. Nagbanggit din siya ng mas partikular na katangian na maaaring kakitaan sa “Mga Kuwentong Kapos.”

Isang mahalagang katangian at gawain ng postmoderno ay ang pastiche.[5] Inihahawig ito ni Jameson sa parody. Ayon sa kanya, isang mahalagang katangian ng high modernism ay ang paglikha ng mga anyo at estilo na kakikitaan ng indibidwalidad ng isang manunulat. Ang parody ay isang panggagayang may bahid ng pangungutya at pagpapatawa. Ngunit ang pastiche ay isang panggagayang walang pangungutya o pagpapatawang ginagawa.

Sa “Mga Kuwentong Kapos,” mahirap kakitaan ng katangiang pastiche ang kuwento kung walang paghahambingan o reference. Ngunit, para sa akin, pinatatamaan nito ang iba’t ibang mga kuwentong nagtataguyod ng pagbabago sa lipunan, mga “socially conscious” na kuwento. Lahat ng mga vignettes ng kuwento ay umiikot sa karanasan ng tagapagsalaysay tungkol sa kahirapan ng mga taong nakilala niya. Ngunit imbes na maging lantarang simpatya sa mga tauhang nakilala ng tagapagsalaysay, imbes na tulungan sila sa kanilang problema, nagiging bahagi na lamang sila ng kanyang mga proyektong kuwento. Binibigyang pansin ng akda ang kakulangan ng manunulat sa kakayahan nitong baguhin ang lipunan. Maaari itong gawing katawa-tawa, gawing parody. At bagaman mayroong mga nakakatawang mga pasintabi ang tagapagsalaysay tungkol sa mga nangyari sa kanya, ang kuwento’y may isang mabigat at seryosong pag-unawa at pagpuna sa kalagayan ng manunulat sa lipunan.

Ang isa pang katangian ng mga postmodernong akda ang tinatawag ni Jameson na “death of the subject.”[6] Kakikitaan sa mga postmodernong akda ng kawalan ng iisang indibidwal na paksa. Kaya’t kung hindi man maraming mga indibidwal ang pinapaksa ng mga postmodernong akda, ang kawalan ng paksa ang mismong paksa ng mga postmoderno.

At ang paghahanap ng paksa ang kabuuang pakay ng tagapagsalaysay ng “Mga Kuwentong Kapos.” May mga malilinaw na mga tao na maaaring maging batayan sa paglikha ng mga kuwento ngunit palaging may nakikitang pagkukulang ang tagapagsalaysay sa mga kuwentong nais niyang sulatin mula sa mga inspirasyong ito. Ito bang “death of the subject” ang pagkukulang na nararamdaman ng tagapagsalaysay? Bagaman may malinaw at konkretong karanasan ang tagapagsalaysay sa kanyang paksa o gustong paksain, nagkakaroon pa rin pagkukulang dahil sa mismong pagiging indibidwal ng tagapagsalaysay. Lubos nga ba talaga niyang nauunawaan ang karanasan ng gusto niyang paksain? Sa isang eksena sa isang sinehan sa Tondo, nakausap ng tagapagsalaysay ang isang inaakala niyang lumpen. Kakaiba ang pagkakakilala nila sa isa’t isa kaya’t nabanggit ng tagapagsalaysay na “weird” ang kanilang pagkikita. Hindi naman naintindihan ng nakilala kung ano ang ibig sabihin ng salitang “weird.” Sa sobrang paglikha ng isang indibidwal, nawawalan na ng isang ugnayang makatao o “humanistic” sa pagitan ng mga tao. Nagiging praktikal na ugnayan na lamang ang nalilikha, kung ano ang makukuha natin sa pakikipag-ugnayan ang batayan ng halaga ng mga relasyon. Ang mismong ugnayan natin sa iba ay nagbago na, isang konsumerismong pakikipag-ugnayan. Kaya’t hindi kataka-takang nagbago na rin ang pag-unawa at pagkilala sa paksa.

Nagbigay pa si Jameson ng isang pang katangian ng postmoderno sa tinatawag na “nostalgia mode.”[7] May nostalgia ang mga postmodernong akda para sa mga naglaho nang mga anyo. Binanggit ni Jameson ang sci-fi serials sa mga pahayagan na naging popular noong 1930’s hanggang 1950’s bilang halimbawa ng naglahong anyo at ang mga pelikula ng Star Wars bilang isang tekstong may malinaw na nostalgia sa lumipas na formang ito ng sci-fi serials. Dagdag ni Jameson, ang nostalgia na ito ay hindi isang pagbabalik-tanaw sa isang partikular na panahon kundi isang pagbabalik sa karanasan ng isang partikular na panahon. Dito pumapasok ang pagka-pastiche ng nostalgia mode dahil ginagaya nito ang nakalipas na mga karanasan o mga anyo[8] ng mga nakalipas na panahon.

At ano naman kaya ang nostalgia ng “Mga Kuwentong Kapos”? Sa aking pagbasa, ito’y ang pagnanais na bumalik sa kasiguraduhan at pagtatapos, sa buhay at maging sa panitikan. Pilit na binabalikwas ng tagapagsalaysay sa kanyang alaala ng iba’t ibang mga karanasan, eksena’t pagtatagpo upang makahanap ng kahulugan at makatungtong sa isang katapusan. Ngunit nakalipas na ang kasiguraduhan ng nakaraang panahon. Hindi na malinaw kung ano o sino ang masama, kung sino-sino ang tunay na mahirap at mayaman, o kung ano tunay na katangian ng mga pangarap. Wala nang kasiguraduhan kaya’t mahirap makahanap ng katapusan. Nananatiling kapos ang lahat.

Ang huling mababatid ni James na katangian ng postmodernismo ang pagiging produkto na kinukonsumo ng sining, na ang dating high modernism na mapanghimagsik, kakaiba at orihinal ay naging pangkaraniwan na lamang.[9] Ang sekswalidad nina D.H. Lawrence, na unang tiningnan ang kanyang ilang gawa bilang pornograpiya, hanggang sa kalito-litong stream-of-consciousness nina James Joyce, William Faulkner, at Virginia Woolf ay mga pangkaraniwang mga karanasan sa mundo ng panitikan. Bagaman nanatili ang “indibidwalidad” ng mga estilo’t anyo ng mga high modernists, nagiging malabnaw na ang indibidwalidad na ito dahil sa konsumerismong nagpapagalaw sa ating lipunan.

Kaya’t hindi kataka-taka na bagaman may bahid ng lungkot ang mga vignettes ng “Mga Kuwentong Kapos,” nananatiling kapos ang karanasan ko ng kalungkutang ito habang binabasa ang kuwento. Dahil sa bawat pagkonsumo ng iba’t ibang uri’t antas na kalungkutan, nagiging kapos ang pagkatao.


[1] Fredric Jameson, “Postmodernism and Consumer Society,” sa Vincent B. Leitch, Ed., The Norton Anthology of Theory and Criticism (New York: W. W. Norton and Company, 2001) p. 1960-1974
[2] Ibid. p. 1961
[3] Ibid.
[4] Jun Cruz Reyes, Utos ng Hari at Iba pang mga Kuwento (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002) p. 85-102
[5] Jameson, “Postmodernism and Consumer Society,” p. 1962-1963
[6] Ibid. p. 1964-65
[7] Ibid. p. 1965-1967
[8] Ayon sa mga Russian Formalists, mahalaga ang anyo o forma sa “perception” o pagdanas sa iba’t ibang uri ng panitikan. Para sa mga Russian Formalist, hindi maihihiwalay ang anyo at nilalaman kundi mahalaga ang pagsasama ng dalawang ito. Para sa higit na malinaw at malalim na pagtalakay nito, maaaring sanggunian ang sanaysay ni Boris Eichenbaum na pinamagatang The Theory of the “Formal Method”
[9] Jameson, “Postmodernism and Consumer Society,” p. 1972-1974

Huwebes, Disyembre 15, 2011

Rashomon and 17 Other Short Stories ni Ryunosuke Akutagawa

Akutagawa Ryunosuke, Rashomon and 17 Other Short Stories. Salin ni Jay Rubin. New York: Penguin Classics Deluxe Edition, 2006.

Isinalin ang kalipunang ito ni Jay Rubin, isa sa mga tagapagsalin ni Haruki Murakami at binigyang introduksiyon ni Haruki Murakami. Kasama sa kalipunang ito ang mga kilala nang mga kuwento ni Akutagawa, ang "Rashomon", "The Nose" at "In a Bamboo Grove". Pero natuwa ako sa mga kuwentong hindi ako pamilyar tulad ng "Hell Screen" at "A Life of a Stupid Man". Itong dalawang huli ang pinakanagustuhan ko sa kalipunan.

Nahahati ang kalipunan sa apat. "A World in Decay", "Under the Sword", "Modern Tragecomedy" at "Akutagawa's Story". Nakatuon ang unang dalawang hati sa mga akdang historikal ni Akutagawa. At madilim ang karamihan ng mga kuwento sa mga hating itong historikal tulad ng "Rashomon" na tungkol sa kahirapan sa panahon ng daimyo at kung paano tinangka ng mga ordinaryong mamamayan na makiangkop, "In a Bamboo Grove" na tungkol sa krimen na nangyari isang kawayanan, "Hell Screen" na tungkol sa isang pintor na inatasang lumikha ng isang imahen ng impiyerno kasabay ng mga politikal na intrigang nangyayari sa poder ng isang daimyo, "Dr. Ogata Ogai: Memorandum" na tungkol sa paniniil ng pamahalaang Hapon laban sa mga Kristiyano, "O-gin" na tungkol sa isang Kristiyanong napilitang ipagkanulo ang kanyang pananampalataya, "Loyalty", at "The Spiderthread". Ngunit mayroon namang mas magaan tulad ng "The Nose" at "Dragon: The Old Potter's Tale". Sa "Modern Tragicomedy" at "Akutagawa's Story" ang mas kakaibang hati ng akda kumpara sa mga nauna. Sa "Modern Tragicomedy" makikita ang mapaglaro't mapagpatawang bahagi ni Akutagawa. Isang mapaglarong metafiction ang "Green Onion" tungkol sa popular na pagsusulat para sa mga magasin habang lubhang satirikal naman ang "Horse Legs" na tungkol sa pagkakaroon ng literal na paa ng kabayo at maaaring basahin bilang isang komentaryo sa imperyalismo ng mga Hapones. Mas tragic imbes na comic ang "The Story of a Head that Fell Off". Napaka-depressing naman ang mga kuwento sa "Akutagawa's Story". Karamihan ng mga kuwento rito ay isinulat noong mga panahong lumalalim na ang depression ni Akutagawa.

Mayroong partikular na lirisismo ang mga kuwento ni Akutagawa na nagustuhan. Kahit na sa mga morbid na kuwento niya, kaakit-akit pa rin. Bukod doon, magaling ang kanyang pagkakahawak sa kanyang mga tauhan. Makikita sa mga tauhan niya ang mga personal na tensiyong kung iba ang humawak ay baka magtungo na lamang sa melodrama.

Maganda rin ang panimula ni Haruki Murakami. Hindi sobrang intelektuwal ngunit mainam na pagbibigay paliwanag sa daloy ng karera at sining ni Akutagawa at maging ng konteksto ng Hapon sa panahon ni Akutagawa, ang mga tensiyon sa larangan ng politika at panitikan.

(Unang bersiyon sa: http://bagongpook54.blogspot.com/2008/10/dalawang-aklat-at-isang-pelikula.html)

Miyerkules, Disyembre 14, 2011

Piling Maiikling Kuwento, 1939-1992 ni Genoveva Edroza-Matute

Edroza-Matute, Genoveva, Piling Maiikling Kuwento, 1939-1992. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1992.

Natapos ko ang kalipunang ito ni Genoveva Edroza-Matute ilang araw pagkatapos mabalitaan ang kanyang pagkamatay. Tinitipon ng aklat ang mga natatanging mga kuwentong isinulat ni Edroza-Matute sa halos buong karera niya sa pagsusulat. Maraming mga temang umuulit sa mga kuwento: kahirapan, karahasan, kasarian. May mga kuwentong tunay na masasabing classic na talaga habang may ilan na medyo mabigat ang paghawak sa banghay. Interesante din ang kalipunan dahil mapapansin ang pagbabago sa wika ni Edroza-Matute. Napansin ko lang na medyo Ingles ang syntax ang ginagamit niya sa mga una niyang mga kuwento ngunit unti-unti itong nagbago kinalaunan, naging mas panatag, mas natural. Sayang lang at hindi siya pinarangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining. Hindi ko alam kung ano ang magiging histura ng mapa ng Panitikan ng Pilipinas kung wala siya.

(Unang bersiyon sa http://bagongpook54.blogspot.com/2009/05/isa-na-namang-rebyu-edition.html)

*Magbabasa at magsusuri ako marahil ng ilang kuweto nang mas masinsinan para mapanindigan ang huli kong pangungusap.

Martes, Disyembre 13, 2011

Talambuhay ng Aming Nayon ni Macario Pineda


Pineda, Macario, "Talambuhay ng Aming Nayon," Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento. Isinaayos at binigyan ng introduksiyon ni Soledad Reyes. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1990, p. 63-77.

(Isa itong sanaysay na isinulat ko noong nagsisimula pa lang ako sa MA Panitikang Filipino noong 2006. Kaya paumanhin kung medyo pilit ang pagsusuri. Dito, ipinagtatambal ko ang pagbasa ng ilang sipi mula sa aklat ni Baudelaire at ang pagbasa ng maikling kuwento ni Pineda. Nagsisimula pa lang talaga ako noon sa kritikal na pagbabasa. Baka basahin ko ulit itong kuwentong ito.


Mainam ding banggitin na sa antholohiya na nilathala ng UP Press, ang "Paano Magbasa ng Panitikang Filipino," nakalagay ang akdang ito sa seksiyong "sanaysay" at hindi maikling kuwento. Kakatwa lang na mainam na pag-isipan.) 

Ang Moderno sa Nayon: Modernidad ni Charles Baudelaire at ang kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon” ni Macario Pineda

Ayon sa “The Painter of Modern Life” ni Charles Baudelaire[1]:

“Beauty is made up of an eternal, invariable element, whose quantity it is excessively difficult to determine, and of a relative, circumstantial element, which will be,... ...the age, its fashions, its morals, its emotions.”[2]

[Binubuo ang kagandahan ng isang eternal at di-nagbabagong elementong napakahirap sukatin, at isang relatibo’t nagbabagong elementong nakabatay sa panahon, sa kani-kanilang panlasa, moralidad at emosyon.]

At bagaman binubuo ng dalawang elementong ito ang kagandahan, buo ang pagdanas natin ng kagandahang ito. Ganito ang pagtingin kay Baudelaire sa kagandahan bilang isang pagbatikos sa labis na pagbibigay pansin sa sining na nalikha noong mga nakalipas na panahon habang binabalewala ang mga likhang sining sa kanyang kasalukuyang panahon. Kaya’t binigyang pansin ni Baudelaire ang pangalawang elemento ng kagandahan sa kanyang pagtataguyod sa “modernidad”. Para kay Baudelaire, ang pag-unawa at pagbibigay-buhay gamit ng sining ng mga kaugalian at partikularidad kanyang panahon matatagpuan ang tunay na henyo ng isang artista.

Sa kontekstong Filipino, hindi ang nayon kundi ang siyudad ang pinagluluklukan ng ating pag-unawa sa “moderno”.  Ngunit bakit kinakikitaan ng mga aspektong “moderno” ang mga kuwento ni Macario Pineda? Isang nayon ang pangunahing tagpuan, maaaring tingnan na rin bilang tauhan, sa maikling kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon”[3] ni Macario Pineda. Paulit-ulit lamang daw ang buhay sa nayong ito ayon sa tagapagsalaysay ng kuwento. May moderno ba sa nayon ni Pineda? Ito ang gusto kong masagot gamit ang sanaysay ni Baudelaire.

Para kay Baudelaire, ang isang artista ay isang flaneur na may kakayahang magmasid. Bagaman tamad ang pagkakatingin sa mga flaneur, nasa kanila ang kakayahang magmasid sa kaugalian, gawi, panlasa, at paniniwala ng balana.

Mahihinuha ang ganitong katangian ng flaneur sa tagapagsalaysay ng “Talambuhay ng Aming Nayon”. Bahagi siya ng pangkalahatang kamalayan ng nayon ngunit lampas pa dito. May isang mahiwagang pag-unawa ang tagapagsalaysay sa buhay ng nayon. Mula sa mga kapanganakan, pag-iibigan, kamatayan, at iba pang-araw-araw na gawain, nagbibigay ng isang pananaw sa buhay ang tagapagsalaysay at di lamang sa nayon. Sinasalaysay niya ang pang-araw-araw na buhay ng nayon habang sinisingitan ng mga partikular na anekdota ang kabuuang kuwento. Katatagpuan ng lungkat at tuwa, hindi ibig sabihin nito’y nakikiramay ang tagapagsalaysay sa buhay ng mga taganayon. Ayon sa introduksiyon ni Soledad Reyes para sa kalipunang isinaayos niya, “Tanging ang tinig lamang ng persona ang kakikitaan ng protesta at malaking panghihinayang sa harap ng pagtanggap ng mga tao sa ideolohiyang sumisiil sa kanilang buhay.”[4]

Kaya’t hindi lamang ang pagiging flaneur ang hinihingi ni Baudelaire para sa artista kundi kakayahang umunawa. At nagagamit ng artista ang pag-unawa sa kamalayang ito sa kanyang sining. Ang pag-unawang ito ang nagbibigay-laman sa pangalawang elemento ng kagandahan, isang kagandahang kakikitaan ng modernidad.

Maaaring bumalik sa tanong, may moderno ba sa “Talambuhay ng Aming Nayon”? Maaaring sabihing pastoral ang kuwento. Ngunit kung titingnan ang pagkakaunawa ni Baudelaire sa moderno at ang pananaw sa buhay ng tagapagsalaysay, maaaring sabihing kakikitaan ng isang modernong pag-unawa at sensibilidad ang kuwento. Kagaya nga ng sinabi ni Soledad Reyes sa kanyang intoduksiyon, kritikal ang tagapagsalaysay sa kawalan ng pinatutunguhan ng nayon.[5] Nauunawan ng tagapagsalaysay ang buhay sa nayon. Isa iyong walang tigil na siklo ng pagkabuhay at pagkamatay kung saan ang mga partikular na karanasan ng isang indibidwal ay lumilipas at nakakalimutan, kagaya ng kabaitan ni Ka Huli tuwing bagyo, dahil sa walang humpay na puwersa ng pananalig sa kabutihan ng kalikasan at ng nayon. Hindi kailangang nakikiramay ang isang pintor ng modernidad sa kanyang panahon. Kailangan lamang niyang hanguin ang kanyang natatanaw bilang sangkap sa kanyang pagbuo ng kagandahang may eternal.

Kaya’t nakaaangat ang tagapagsalaysay na ito ng “Talambuhay ng Aming Nayon” kumpara sa mga kasamahan niya sa nayon.[6] Tanging siya lamang ang nakakabatid ng mga pang-araw-araw at partikular na pangyayaring laganap sa nayong iyon. Bagaman ginagamit ang mga panghalip na “kami” at pang-aring “amin”, mayroon siyang personal na pagtataya sa mga nangyayari sa loob ng nayon. Sa kanya nanggagaling ang katatawanan o kalungkutang mababatid sa kuwento. Hindi lamang isang payak at pangkaraniwang paglalahad ang ginamit sa kuwento. Sabi nga ni Reyes, “matulain” ang buong daloy ng buhay sa loob ng kuwento, may mga puwang na lumilikha ng isang iba pang kahulugan.[7] Masasabing mayroong sinasabi sa di sinasabi ang kuwento. Dahil sa taos na pagbibigay ng pansin sa kolektibo, nalulunod ang indibidwal. Nagiging isang anekdota lamang ang kanilang buhay sa loob ng talambuhay ng nayon. Kaya’t umaangat ang tagapagsalaysay. Sa kanyang pagsasalaysay sa kanyang pagkakaunawa sa nayon, naililigtas niya ang kanyang sarili sa pagkalunod kahit na nakikisabay siya sa pag-agos nito.

Bagaman kaisa siya sa balana ng nayon, isang flaneur, nakakaangat din siya sa lahat, isang dandy. Bagaman may isang masamang pagkakahulugan ang dandy sa panahon ni Baudelaire, isang “modernong aristokrasya” ang mga ito para sa kanya.[8] Tinutuligsa ng isang dandy ang mga “trivial” na bagay. Ginagawa lamang ng mga dandy ang sa tongin nila’y mahalaga o marangal. Kaya’t may “pride” o yabang ang dandy, mapagmataas sila dahil sa pagpapahalagang ginagawa nila. At dahil din dito may kalamigan para kay Baudelaire ang mga dandy.

Ngunit isa rin lamang silang panawid mula sa pabagsak na piyudalismo patungong demokrasya. Kaya’t sa isang pagbasa, isang pagtutulay ang ginagampanan ng tagapagsalaysay ng kuwento para sa mga taganayon. Ayon kay Reyes, “Rasyonal na plano sa buhay at hindi irasyonal na pagsandig sa tadhana ang dapat paunlarin ng mga tao, subalit nananatiling bulag ang mga tao sa kahalagahan nito.”[9] Itinataguyod ng tagapagsalaysay ang pagbabago tungo sa isang rasyonal na kamalayan ng mga taganayon. Ngunit kaiba sa mga dandy, na may nostalgia para sa nakaraang panahon ng aristokrasya at may kaunting pagsalungat, ang tagapagsalaysay ay pagtataguyod para sa rasyonal, isang katangiang katatagpuan sa demokrasya ng Kanluran.

Ganoon din, bagaman pastoral ang kuwento, halo ng biyaya at lupit ang larawan ng kalikasan sa loob ng kuwento. Mayroong pagkain na maaaring makuha mula sa kalikasan ngunit may maaaring magkaroon ng panahon ng kasalatan at kalamidad dulot ng bagyo. Para sa kuwento, hindi sa kalikasan kakikitaan ang “kagandahan” sa loob ng kuwento kundi sa pagsasalaysay ng nayon. Para kay Baudelaire, ang kalikasan ay kawalan.[10] Maaaring balikan ang kaniyang depenisyon ng kagandahan upang mahinuha kung bakit ganito iyon. Binibigyang-halaga ni Baudelaire ang relatibo’t partikular na elemento ng kagandahan, ang elementong kakikitaan ng galing ng artista, ng tao. Kaya’t nasa paglalarawan ng buhay nakukuha ang kagandahan ng isang likhang sining. Kaya’t makikita “maganda” sa kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon” sa paglalarawan nito sa relatibo o mumunting pangyayari sa harap eternidad upang makabuo ng isang matingkad na uri ng kagandahan, isang kagandahang modernong-moderno. Sa kanyang paglikha ng isang nayong buhay na buhay ngunit sabay ding naghihingalo, binabagtas ng tagapagsalaysay ang kawalang-hanggan ng kagandahan at pati ang partikularidad nito.



[1] Charles Baudelaire, “The Painter of Modern Life” sa Vincent B. Leitch, Ed., The Norton Anthology of Theory and Criticm (New York: W. W. Norton and Company, 2001) p. 792-802
[2] Ibid. p. 793
[3] Macario Pineda, “Talambuhay ng Aming Nayon” sa Soledad Reyes ed., Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990) p. 63-77
[4] Soledad Reyes, “Introduksiyon,” Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento. p 32.
[5] Ibid.
[6] Isa siyang indibidwal sa loob ng nayon at hindi lamang isang kolektibong tagapagsalaysay dahil sa simula ng ika-14 na bahagi ng kuwento, “akin” ang panghalip na ginamit ng tagapagsalaysay sa halip ng “amin” na ginagamit sa kabuuan ng kuwento.
[7] Reyes, “Introduksiyon,” p. 30
[8] Baudelaire, “The Painter of Modern Life,” p. 799
[9] Reyes, “Introduksiyon,” p. 32
[10] Baudelaire, “The Painter of Modern Life,” p. 800

Lunes, Disyembre 12, 2011

Cosmicomics ni Italo Calvino


Calvino, Italo, Cosmicomics. Salin ni William Weaver. New York: Harcourt Brace, 1968.

Binubuo ng labindalawang kuwento ang kalipunang ito at pinag-uugnay ng iisang tagapagsalaysay, si Qfwfq, isang nilalang o kamalayan na dinanas ang simula ng uniberso at nabuhay hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng mga kuwento’y nagsisimula sa isang scientific theory o fact na nagiging premise para simula ni Qfwfq ang kanyang mga kuwento. Bagaman nakaugat sa agham ang premise ng mga kuwento, may oral na katangian ang mga kuwento sa Cosmicomics. Interesante ang mga premise ng mga kuwento subalit ang boses ni Qfwfq, ang kanyang pagsasalaysay ng mga nakaraang karanasan at ang mga damdaming nakaugnay sa mga karanasang ito, ang nagdadala sa lahat ng mga kuwento. Mapapansing halos lahat ng mga kuwento ay mga kuwento ng pag-ibig. Tanging ang “A Sign in Space,” “Games Without End,” “How Much Shall We Bet?” at “The Light-years” lamang ang mga kuwento na hindi kuwento ng pag-ibig. Sa mga kuwento na ito ng pag-ibig, nagtatapos ang lahat sa pagkasawi. Maaaring maiugat ito sa mismong premise ng mga kuwento. Lahat ng mga kuwento’y nakaugat sa isang sinasabing pinagdaanang pagbabago na nangyari sa mundo at maging sa uniberso. Halimbawa’y sa kuwentong “The Distance to the Moon,” nasanay ang mga tauhan na malapit lamang ang buwan sa Earth na kayang tumalon mula sa mga bangka sa gitna ng dagat ang mga tao tungo sa buwan. Napaibig si Qfwfq kay Mrs. Vhd Vhd at nang biglang magsimulang lumayo ang buwan sa Earth. Sa pagkakataong iyon, tinangka ni Qfwfq na makasama nang matagal si Mrs. Vhd Vhd subalit malinaw na hindi siya iniibig nito at nakaranas si Qfwfq ng matinding lungkot at pangungulila nang bumalik na siya sa mundo at iwan sa si Mrs. Vhd Vhd sa buwan.

Sa kabilang dako naman, paglalaro sa lawak ng mga scientific at mathematical premise ang nabanggit ko nang mga kuwentong hindi kuwento ng pag-ibig. Halimbawa nito’y sa kuwentong “The Light-years.” Minamasid ng tagapagsalaysay ang langit gamit ang kanyang teleskopya at nakita niya sa isa sa mga bituin ang isang plaka na nagsasabing “I SAW YOU.” Nabagabag ang tagapagsalaysay at ayon sa batas ng limitasyon ng paglalakbay ng liwanag ayon na rin kay Einstein, nakalkula ng tagapagsalaysay ang haba ng taon paroon at pabalik (na umaabot ng 200 milyong liwanag-taon) at inisip niya ang kung ano ang ginawa niya noong sandaling iyon. Sa kahabaan ng pakikipag-usap niya sa unang nagpaskil ng plaka na iyon, nagsulputan ang ibang plaka mula sa ibang mga bituin at mga galaxy tungkol sa kanyang ginawa. At dahil sa kanyang pagiging self-conscious sa mga plakang ito, tinangka niyang itama ang unang pagkakakilala ng mga tao sa kanyang ginawa pero nahihirapan na siya dahil unti-unting lumalayo ang mga bituin at galaxy sa bilis ng liwanag at dumating ang pagkakataon na hindi na niya kayang makipag-usap sa taong iyong unang nagpaskil ng “I SAW YOU.” At habambuhay na niyang dadalhin ang panghihinayang at pagkahiya ng isang sandaling nagawa milyon-milyong taon na ang nakararaan.

Ulit, bagaman may katangian ng pantasya at agham ang mga kuwentong ito, nakaugat pa rin sa payak at madaling maunawaang mga damdamin ang mga kuwento. Hiya. Lungkot. Pag-ibig. Inggit. At iba pa. At ito ang kapangyarihan ng kabuuang koleksiyon, ang bigyan ng pagkatao ang mga konseptong hindi natin binibigyang halaga. Gamit ng mga kuwentong ito, iniaangat ni Calvino ang mga konseptong pang-agham sa wika at kabuluhang lampas sa siyentipiko nitong katangian tungo sa antas ng talinghaga na may ipinakikita sa ating pagkatao.

(Unang bersiyon sa http://bagongpook54.blogspot.com/2010/05/rebyu-cosmicomics-mag-ingat-sa-spoilers.html)

Linggo, Disyembre 11, 2011

Virgintarian at Iba Pang Akda ni Mayette Bayuga

Bayuga, Mayette, Virgintarian at Iba Pang Akda. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2002.

Tinitipon sa aklat na ito ang mga kuwento ni Mayette Bayuga. Sa introduksiyon ng aklat, ginugrupo ni Rosario Cruz Lucero sa tatlong hanay. Una, mga kuwentong inisasyon o coming-of-age. Pangalawa, mga kuwentong may maigting na paglalahad ng sexual politics lalo ng feminismo. Pangatlo, mga kuwento ng pagiging "iba" ng babae, wika nga ni Lucero. Interesante ang mga kuwentong nasa unang hanay dahil sa sensitibidad at pinong paghawak ni Bayuga ng kanyang materyal. Bagaman hindi na bago ang mga ganoong uri ng kuwento, sa kamay ni Bayuga, umaangat sa ibang antas ang mga kuwento. Halimbawa na lang ang "Unang Baytang." Bagaman wala itong banghay at tungkol lamang sa unang araw sa eskuwela ni Sarah. Ngunit puno ng tensiyon ang kanyang unang araw dahil ipinamamalas ang kawalang-inosente ng mga bata. Na sa mga murang edad, puno na sila ng mga prehuwisyo. Nakakaasiwa naman ang mga kuwento sa pangalawang hanay at sa tingin ko, iyon naman talaga ang gustong gawin ni Bayuga. Napakatindi ng kuwento sa paglalarawan ng pagkaapi ng kababaihan sa mga relasyon sa mga lalaki. May tendensiyang maging istereotipikal ang paglalarawan ng mga lalaki sa hanay ng mga kuwentong ito ngunit nauunawaan ko naman iyon dahil nga dinadala sa sukdulan ng mga kuwento ang pang-aapi sa mga babae. Na ang mga lalaki'y mga representasyon ng patriyarka at sa ganito'y nagiging mga a**hole na nang-aapi ng kanilang mga asawa/kinakasama. Kaya nga kapag itinuturo ko ang "Ang Baliw," palagi kong sinasabi sa mga lalaki kong estudyante na hindi nila kailangang maging masyadong mailang o malungkot kasi ganoon lang talaga. Sa huling hanay ng mga kuwento naman ay lumalabas ang eksperimentasyong ambag ni Bayuga sa pagkukuwento. Karamihan sa mga kuwentong nasa hanay na ito'y patungkol sa natatangi ngunit marginal na kalagayan ng mga babae partikular ang babae bilang babaylan. Mapapansin din na gumagamit sa mga kuwentong ng mga partikular na anyo tulad ng dasal at hinahalo sa formal na mga eksperimento tulad ng stream-of-consciousness.

(Unang bersiyon sa http://bagongpook54.blogspot.com/2009/10/rebyu-edition-sembreak-ingat-may.html)

Sabado, Disyembre 10, 2011

Paniningil ng Alila ni Salvador R. Barros


Barros, Salvador R., “Paniningil ng Alila,” Mga Kuwentong Ginto. Alejandro G. Abadilla, pat. Manila: Cavite Pub., 1935, p. 12-16.

Noong taong 1935, tinipon at nilathala ni Alejandro G. Abadilla ang dalawampung maikling kuwento na kanyang pinaniniwalaang natatangi sa mga taong 1925 hanggang 1935. Isa sa mga kuwentong ito ang “Paniningil ng Alila” ni Salvador R. Barros.  Isa itong kuwento ng pagmumulto.

Tungkol ang kuwento sa isang bahay na bato sa Bayan ng B sa lalawigan ng L noong panahon ng mga Kastila. Ang huling tumira sa bahay na ito ay si Don Diego AlmiraƱez at ang kanyang alilang si Fermin. Nahahati ang kuwento sa limang bahagi. Ang unang bahagi ay nagsisilbing panimula at paglalahad ng relasyon ni Don Diego at Fermin. Mainitin ang ulo ni Don Diego at madalas niyang pinagbubuhatan ng kamay si Fermin. Madalas na makita ng mga mamamayan ng bayan ng B na puno ng pasa ang mukha. Sa ikalawang bahagi, isinasalaysay ang pag-alis ni Fermin isang gabi mula sa bahay na bato. Nagtaka ang mga tao sa biglaang pag-alis ni Fermin. Sa ikatlong bahagi naman kuwento isinasalaysay ang simula ng pagmumulto sa bahay na bato ni Don Diego. Nagmumulto ang bahay na bato ngunit hindi pa rin pumapanaog si Don Diego. Natakot ang mga mamamayan ng bayan ng B ngunit naintriga rin sa kakaibang pangyayari sa bahay na bato kaya’t sa ikaapat na bahagi ng kuwento ay isinasalaysay ang pagpasok ng isang lalaking tagabayan ng B upang alamin ang kababalaghang nangyayari sa loob ng bahay na bato. Makakausap ng taong ito ang multo na nagpakilalang kaluluwa ni Don Diego at ipinaalam ng multo sa lalaki ang pagpaslang na naganap noong araw na umalis si Fermin. At sa ikalimang bahagi ng kuwento ay matatagpuan ang katawan ni Don Diego kung saan itinuro ng multo, sa kisame ng bahay na bato.

Mula sa punto de bista ng taumbayan ang ginagamit ng kuwento at mahalaga ito para sa pag-unawa sa katangian ng pagmumulto. Ang bahay na bato ni Don Diego ay isang pambihirang lugar para sa taumbayan ng B bago pa man magsimula ang pagmumulto ng kuwento. Nababalutan na ang mga pader na pumabalibot sa bahay na bato ng lumot at baging at napapalibutan ng mga malalaking puno. Gayun din, palaging nakapinid ang mga bintana’t pinto ng bahay na bato at kakaunti lamang ang nalalaman ng taumbayan tungkol kay Don Diego sa limang taon ng kanyang paninirahan sa bahay na bato at sa bayan ng B. Ang tangi lamang na alam ng taumbayan tungkol kay Don Diego ay dulot sa mga sigawang nanggagaling sa loob ng bahay na bato—ang mga panlalait ni Don Diego habang binubugbog si Fermin.

Nang umalis si Fermin at magsimulang magmulto sa bahay na bato, kapansin-pansin ang pagbabago sa kamalayan ng taumbayan ng B. Para sa taumbayan, parang walang pagbabago sa bahay na bato. “Ang tahanang naliigid ng pader ay walang kailawilaw at nakapinid ang mga bintana.” (p. 13) Ngunit napuno agad ng takot ang mga kapitbahay ng bahay na bato nang marinig ang mga ingay na nagmumula sa loob ng tahanan. Mga kalabog ng mga kasangkapan at pagkalansing at pagbaligbag ng kadena. Mula sa pagiging pambihirang lugar na laman ng tsismis at usap-usapan, ang bahay na bato ay naging isang mahiwagang lugar na kinatatakutan. Ang imahen ng bahay na bato ay naging bahagi na ng kamalayan ng taumbayan, sa conscious man o subconscious na antas.

Sa kuwento, ang taumbayan ang minulto. Mababasa ito bilang sintomas ng kanilang pagkakasangkot sa relasyong amo-alila nina Don Diego at Fermin. Ito ay representasyon ng pagwawalang bahalang ipinakita nila sa mga pangyayari sa loob ng bahay na bato. Ang taumbayan ay nakuntento na lamang sa pakikinig sa pambubugbog at pagbibigay ng awa. Ngunit wala silang ibinigay na tunay na tulong para kay Fermin. Si Fermin, sa kanyang pagpatay kay Don Diego, ang gumawa ng paraan upang iligtas ang kanyang sarili.

Isa rin itong representasyon ng patuloy na pagkahumaling ng taumbayan sa kapangyarihan ni Don Diego. Bagaman hindi ipinapakita ng kuwento ang ekonomikal na relasyon ng taumbayan kay Don Diego, malinaw na may mataas na katayuan si Don Diego dahil sa kanyang pagiging Kastila. Kaya’t naihihiwalay ni Don Diego ang kanyang sarili mula sa taumbayan bagaman nananatiling mahalagang bahagi nito sa pamamagitan ng paghuli ng imahenasyon ng taumbayan. At nagawa pa rin niyang gambalain ang taumbayan ng B mula sa kabilang buhay dahil sa kakaibang katayuan niya sa bayan. Ang kanyang bahay na bato, ang simbolo ng kanyang kapangyarihan, ay naging isang tunay na katakot-takot na lugar para sa taumbayan. Imbes na mapalaya ang taumbayan sa kanyang pagkamatay, nanatili kung hindi man lalong naging makapangyarihan si Don Diego sa taumbayan ng B.

Kaya’t mahalaga ang pagtatagpo ng taumbayan at ng multo ni Don Diego. Sa kainitan ng pagmumulto, isa sa mga babaeng nasa labas ng bahay na bato ay nahimitay. At nang tanungin ng kapitan ng bayan kung sino ang maglalakas-loob na pasukin ang bahay na bato, hindi nag-atubili ang asawa ng babaeng nahimatay na pasukin ang bahay na bato bagaman kinailangan niyang uminom ng kaunting alak. Bagaman katawa-tawa ang eksenang ito sa kuwento imbes na katakot-takot, maaari ring basahin ang pagharap na ito ng lalaki (bilang representante ng taumbayan) at ng multo ni Don Diego. Sa pagkahimatay ng kanyang asawa, natauhan ang lalaki sa matinding impluwensiya’t kapangyarihan ng pagmumulto at kinailangan niya itong harapin.

Kasabay ng literal na pakikipagharap sa multo, isa rin itong simbolikong pagharap ng taumbayan sa mahiwagang bahay at sa taong naninirahan dito. Hinaharap din ng taumbayan ang takot na dulot ng kawalang-alam tungkol sa tunay na kalagayan sa loob ng bahay na batong binigyan ng kanilang guniguni ng matinding kapangyarihan. Kaya’t nang pinasok na ang bahay na bato, isang bangkay ang kanilang natagpuan sa ibabaw ng kisame. Ang pinagmumulan ng kanilang takot ay naaagnas na’t nilalangaw. Kahit patay na ang kapangyarihang piyudal, nananatili pa rin ang kapangyarihan nitong pangibabawan ang kamalayan ng taong bayan.

Panimula

Isa itong blog na nakatuon sa maikling kuwento. Bahagi ito ng pagtatangka kong maitala ang ilang mga komento o pag-aaral o pagsusuri sa maikling kuwento. Sa pangunahin kong blog, madalas akong mag-post tungkol sa mga nababasa kong nobela at pelikula pero hindi sa maikling kuwento. Bakit kaya? Bakit hindi ko naiisipang magsulat tungkol sa mga maikling kuwentong nababasa ko? Kaya ang proyektong ito. Marami ring dahilan para gawin ito. Isa pa ay ang propesyunal na dahilan. Bilang guro ng panitikan at bilang manunulat, mainam sigurong magtala ng mga paunang saloobin sa mga kuwento na maaari kong gamitin sa mga pananaliksik na gagawin o ginagawa na. Gusto kong karerin ito, wika nga nila. Kung gagawa ako ng espasyo bilang mananaliksik, sa maikling kuwento na siguro.

Inspirasyon nito marahil ang maraming ginawa at ginagawang blog ni Egay Samar na nakatuon naman sa nobela. Gayundin sa iba't ibang blog tungkol sa pelikula na sinusundan ko. Sana sa pagsisimula ko ng proyektong ito, magiging interesado rin ang iba sa anyo ng maikling kuwento.