Sabado, Enero 21, 2012

Ang Diwata ni Tony Perez


Perez, Tony, "Ang Diwata," Cubao Pagkagat ng Dilim. Mandaluyong: Cacho Publishing House, Inc., 1993, p. 69-79.

Tungkol ang maikling kuwento kay Finesse, isang parloristang nakatira sa Jutap. Nagdesisyon siyang sumali sa Binibining Barang-Gay de Porres. Susundan ng kuwento ang buong proseso ng pagsali ni Finesse sa pageant at sa kanyang paghahanda't mismong pagtatanghal sa entablado. Sinanla niya ang kanyang pinakaiingatang singsing upang makasali dito at ginastos ang isang bahagi ng pera para sa pagpapagawa ng damit at pagpapaayos ng katawan. Sa dulo ng lahat ay magwawagi siya bagaman hindi maipaliwanag kung bakit o kung totoo nga ba ang nangyayari.

Pahiwatig ang ginagamit ng kuwento upang ilahad ang nagtutulak kay Finesse upang sumali sa pageant. Iniuugnay ng kuwento ang pagnanasang ito sa kasawiang nararamdaman ni Finesse sa pag-ibig. Ngunit bukod pa rito'y binabanggit din ang pagnanasa niyang tumigil na sa pagbabalatkayo. Sa isang pagbasa'y nakaugat ito sa kakatwang kalagayan ni Finesse bilang bakla. Sa karanasan ni Finesse, kinakailangan niyang magbalatkayo upang makibagay sa kanyang kapaligiran. Bagaman tipikal na bakla ang kanyang kinakatawan, pakiramdam niya'y nakukulong siya rito. Gusto niyang ilahad ang kanyang tunay na sarili, ang kanyang sariling hindi nakikita ng ibang tao. Ang pagmumukhang bakla--ang pagsusuot ng damit na pambabae, ang paggalaw na parang babae, at ang pagtatrabaho ng mga trabahong feminisado--ay hindi isang bagay na kanyang lubusang pinipili kundi isang bagay na kailangan niyang gawin upang mabuhay at manatiling ligtas sa harap ng mapanghusgang lipunan. Bagaman itinatanghal niya ang kanyang sarili sa harap ng ibang tao nang sumali siya sa pageant, pakiramdam pa rin niya na walang nakikita't nakakikilala sa kanya. Dahil nakatago pa rin siya sa likod ng kanyang magarang damit at mukhang puno ng make-up.

Ginagamit sa kuwento ang talinghaga ng diwata sa paglalarawan ng buhay na mayroon si Finesse. Sa mga kuwentong bayan tulad ng kuwento ni Mariang Makiling, umiibig ang diwata sa mga taong lalaki. Bagaman may pagnanasang makibahagi sa pangkaraniwang sambayanan, nanatiling hiwalay ang diwata. Ngunit dahil sa kanyang kaibahan, ang kanyang pagiging diyosa, nananatiling imposible ang pagtatagumpay ng pag-ibig na ito. Kailangang niyang balatkayo upang matanggap ng iba. Sa ganito'y nagiging diwata si Finesse, na hiwalay at nagbabalatkayo sa piling pangkaraniwang mga tao.

Huwebes, Enero 12, 2012

Ang Bulalakaw, Canada, at si Bob Marley ni Genevieve L. Asenjo


Asenjo, Genevieve L., "Ang Bulalakaw, Canada, at si Bob Marley," Komposo ni Dandansoy: Mga Kuwento sa Hiligaynon at Filipino. Lungsod ng Maynila: University of Santo Tomas Publihing House, 2007, p. 114-127.

Sinusundan ng kuwento si Roy, isang taga-Iloilo, na nagpuntang Maynila para maghanap ng trabaho. Ngunit sa matagal na paghahanap, wala pa rin siyang makitang trabaho. Kaya't nang dumating ang alok ng kaniyang tiya na tulungan siyang makapuntang Canada, kung saan nagtatrabaho na ang kanyang tiya, kinuha niya ang oportunidad na ito. Ngunit ang buong proseso'y puno ng pasikot-sikot at paghihirap dahil na rin sa iba't ibang mga pangangailangan.

Kasabay ng buong masalimuot na proseso ng pag-apply ng visa sa Canada, inilalahad din ang relasyon ni Roy kay Anya, isang accountant sa Bangko Sentral. Live-in ang relasyon ng dalawa ngunit walang commitment. Mukhang praktikal ang dahilan ng pakikipagrelasyon ni Roy kay Anya. Dahil walang trabaho, nahihirapan na siyang mangupa sa isang kuwarto sa isang boarding kasama si Dodong at ang asawa nito. Nahihirapan din siya dahil sa mga gabing nagtatalik ang dalawa. Bumukod si Roy kasama si Anya. Kung may dumarating na pera mula sa probinsiya, nakikihati si Roy sa upa ni Anya. Bukod pa rito'y si Roy din ang namamahala sa mga gawaing bahay. Sa simula't sekswal ang nibel ng kanilang relasyon nguit unting-unting lumalalim kinalaunan. Ngunit may panandalian pa ring katangian ang kanilang relasyon. Nang tanungin ni Roy kung ano ang mararamdaman ni Anya kung umalis siya, okey lang kay Anya. Ganoon lang daw ang katangian ng mga relasyon, hindi panghabambuhay.

Sa relasyon sa pagitan ni Roy at Anya, makikita ang pagpapalit ng tradisyunal na ginagampanang trabaho sa pagitan ng lalaki at babae. Si Roy ang gumagawa ng mga gawaing-bahay habang nagtatrabaho naman si Anya. May mga pahiwatig na kuntento si Roy sa ganitong katayuan. Gusto niyang ipamalas ang kanyang pagkalalaki. Tradisyunal pa rin naman siyang mag-isip pagdating sa relasyon di tulad ni Anya. Gusto niyang maging ama at nag-uuwi ng pera sa kanyang pamilya. Para kay Anya, katanggap-tanggap sa kaniya na maging single parent. Hindi niya kailangan ng lalaki. Bahagyang nasasaling ang pagkalalaki ni Roy. Naipapamalas niya ang kanyang pagkalalaki sa kama kapag kasiping si Anya.

Replektibo ang kawalang-kasiguraduhan ng relasyon ni Roy ng kawalang-kasiguraduhan ng ekonomikong kalagayan ng mga OFW o ng nag-aasam na maging OFW. Sa isang banda'y maiuugnay ang kawalang-kasiguraduhang ito sa pabugso-bugsong katangian ng globalisasyon. Nahihirapan si Roy na makakuha ng visa dahil sa bagong mga patakaran na nilikha para pahirapan ang mga katulad niya.

Upang kumita ng kaunting pera, nagbenta si Roy ng mga pekeng DVD. Ngunit hindi ito naging madali at nakabangga pa niya ang iba pang nagbebenta ng DVD. Sa katapusan ng kuwento, nasa isang bus si Roy, katatakas lamang mula sa pulis na gusto siyang hulihin sa pagbebenta ng DVD. Dumating ang pagnanasang makasiping si Anya, isa marahil manipestasyon ng kanyang pagnanais na mabawi ang kapangyarihan gamit ang sex, maging ideal na lalaking papakasalan ni Anya. Ang romatiko't tradisyunal na pagnanasa ng pagkakaroon ng pamilya ay malinaw na itinatapat sa kawalang-kasiguraduhan ng buhay ni Roy. At simboliko ang imahen ng bulalakaw sa panandaliang katangian ng buhay na pilit nilalabanan ni Roy.

Miyerkules, Enero 4, 2012

Mariang Makiling ni Eli Ang Barroso


Barroso, Eli Ang, “Mariang Makiling,” Filipinos Writing: Philippine Literature From the Regions, pat. Bienvenido Lumbera. Pasig City: Anvil Publishing Inc., 2001, p. 226-237.

Mula pa lamang sa pamagat ay mahuhulaan nang ginagamit ng kuwento ang alamat ni Maria Makiling. Ang kuwento ay tungkol kay Soseng, isang batang taga-Bae. Gumising siya isang araw at sinabi niya sa kanyang ina na, “Hahanapin ko lang ang pinagmulan ng liwanag at ng hangin.”[1] Nang makarating si Soseng sa isang talampas ay nagpakita sa kanya si Mariang Makiling upang pagsabihan ang buong bayan ng Bae ang kanilang pagkakautang at ang tanging kabayaran sa utang na ito ay ang pagpapatayo ng kapilya sa talamapas na iyon. Ipinagsigawan ito ni Soseng sa buong bayan ngunit walang naniwala sa kanya. Hindi naniwala ang mga batang nakasalubong niya sa daan dahil taga-Ibayo siya. Hindi naniwala ang mga mamamayan sa kanya dahil baka nasisiraan na siya ng bait. At lalo nang hindi naniwala ang kura dahil salungat sa turo ng Simbahang Katolika ang sinasabi ni Soseng na si Mariang Makiling ang ina ni Hesus. Ngunit sinabi rin ng pari na kailangan ng himala upang maging kapanipaniwala ang sinasabi niya kaya’t hinanap ulit ni Soseng si Mariang Makiling at humingi ng himala. Sa mga sandaling iyon na kinakausap ni Soseng si Mariang Makiling ay nagpakita si Normeng, isang batang babaeng namumuno sa mga batang nakasalubong ni Soseng nang unang magpakita si Mariang Makiling. Inutusan ni Mariang Makiling na ihulog si Normeng sa talampas. Pinatay ni Soseng si Normeng upang si Normeng ay gawing anghel ni Mariang Makiling. Nasaksihan ni Soseng ang pagiging anghel ni Normeng sa tulong ng kapangyarihan ni Mariang Makiling. Dahil sa pagpatay na ito ni Soseng, lalong nakumbinsi ang mga mamamayan ng Bae na tunay ngang nasiraan na ng bait si Soseng. Hinarap ng taumbayan ng Bae si Soseng at tinangkang hulihin dahil sa pagpatay na ginawa niya. Ngunit hindi nagbagong-loob si Soseng sa kanyang paniniwala. Ngunit sa gitna ng pakikipagharap niya sa taumbayan ay nagpakita ang ina ni Soseng na matagal nang patay at sa sidhi ng mga pangyayari sa pagdating nito’y tumalon si Soseng mula sa talampas.

Sa kuwentong ito, nilalagay sa alanganin ang mambabasa dahil hindi nakasisigurado kung tunay nga bang nakita ni Soseng si Mariang Makiling o talaga nga bang nababaliw lamang siya. Mahirap sabihing nababaliw lamang siya dahil lubhang napakatatag ng kanyang paniniwalang nagpakita sa kanya si Mariang Makiling. Ngunit dahil hindi nakikita ng ibang mga taga-Bae si Mariang Makiling, mahirap ding lubusang paniwalaan ang mga naririnig at nakikita ni Soseng, ang pangunahing kamalayan (central consciousness) na sinusundan ng kuwento at lumilikha ito ng unreliability. Sa kuwentong ito, dalawang realidad ang nagtutunggali: 1) ang realidad ni Soseng at ng kanyang mistikal na karanasan at 2) ang realidad na ginagalawan at pinaniniwalaan ng mga mamamayan ng Bae.

At hindi kakaiba ang kawalang-kasiguraduhang ito para sa mga akdang fantastiko. Ani nga ni Rosemary Jackson, ang fantasya ay “anti-rational, it is the inverse side of reason’s orthodoxy. It reveals reason and reality to be arbitrary, shifting constructs, and thereby scrutinizes the category of the ‘real.’”[2] Dito sa kuwento maaaring sabihing literal na fantasya lamang ang nakikita at nararanasan ni Soseng, ngunit may malinaw itong epekto sa mundong kanyang ginagalawan. Sa kuwentong ito, binubulabog ni Soseng ang mundo’t pang-araw-araw na buhay ng mga taga-Bae. Tumitiwalag siya sa kaayusang pinaniniwalaan at sinusunod ng mga tao. Pilit niyang iniiwasan ang paglalasing at tuwirang panggagaya sa iba pang karaniwang ginagawa ng mga kalalakihan. Iniiwasan niya ang basta-bastang pakikibarkada o pakikisasama ng mga batang sumusunod kay Normeng, mga batang parang isang ‘gang’ kung umasta. Maging ang kaayusan ng teolohiya ng Simbahang Katolika ay kanyang tinataliwas dahil sa kanyang mistikal na karanasan nang magpakita sa kanyang si Mariang Makiling.

Ngunit ano ang dahilan ng pambubulabog na ito ni Soseng? Makikita ito sa ilang piling kataga sa loob ng kuwento. Sa simula ay nagpaalam si Soseng sa kanyang ina upang hanapin ang pinagmumulan ng liwanag at hangin.[3] Isa itong kakaibang kadahilanan para sa isang simpleng paglalakad. Kaya’t mahihinuhang ang paglalakbay ni Soseng sa mga tahanan, bakuran, bukirin at hanggang sa talampas ay hindi lamang isang pisikal na paglalakbay kundi isa ring relihiyoso at metapisikal na paglalakbay. At kinakatawan ni Mariang Makiling ang mahiwagang kapangyarihan ng kalikasan. Sabi nga niya nang maghanap sa kanya si Soseng ng himala,

Ang umaga at gabi sa Bae, ang dagat at mga bundok sa Bae, kahit na ang pinakamaliliit na bulaklak sa mga parang at ang pinakapinong buhangin sa dalampasigan ng Bae—ang lahat ng mga ito ay himala ko.[4]

At ang mga himalang ito ni Mariang Makiling ay hindi nababatid ng mga taga-Bae kaya’t kinailangang ipaalam muli ni Soseng. Sa panahong naging alamat na lamang si Mariang Makiling at hindi na tinitingala bilang diwata o diyosa, naiisantabi ang dating malawakang paniniwala bago ang pagdating ng Katolisismo. At ang kawalang ugnayang ito ng tao sa kalikasan ang binigyang-pansin ni Resil Mojares sa kanyang pagpansin sa bersiyon ni Jose Rizal ng alamat ni Mariang Makiling.[5] At makikita ang ibang sensibilidad ni Soseng nang yayain siya ng kanyang ama na mag-inom ngunit binalewala lamang ito ni Soseng. Pinili na lamang ni Soseng na ipagpatuloy na hanapin “ang pinagmulan ng liwanag at hangin,” isang pagtalikod sa makamundong buhay na babad ang nakararaming tao.  

Ang pagharap ni Soseng kay Mariang Makiling ay nagbigay sa kanya ng “tindi ng araw at sidhi ng hangin.”[6] Higit na matalas ang pagpansin ni Soseng sa mga halaman nang ibinalita niya sa kanyang mga kababayan ang mensahe ni Mariang Makiling. Ngunit ang init ng araw at sidhi ng hanging naramdaman ni Soseng ay maaaring maging init na lumalagablab na maaaring makakapaso o kaya’y makasunog. At itong dalawang mukha ng kalikasan na mapag-aruga at mapanlikha ay may kaakibat na kapangyarihang mapangwasak at makikita ito sa pagpatay ni Soseng kay Normeng. Sa pagpatay niya kay Normeng, nagbagong-anyo si Normeng at naging anghel. Itong transformasyong ito mula sa isang katawang tao tungo sa pag-iral na higit na trancendent ay kinakailangang makamit sa isang marahas na pag-aalay ng katawan. Kaya’t nang tumalon si Soseng mula sa talampas, inaasahan niyang magbabagong-anyo siya upang maging anghel. Ngunit hindi siya naging anghel at namatay siya sa mga batuhan sa ibaba ng talampas. Hindi sinasabi ng kuwento kung naging anghel nga ba si Soseng pagkatapos mamatay sa batuhan. Ngunit malinaw na ang kanyang mistikal na pakikipagtagpo kay Mariang Makiling ay nagdulot ng pagkasira kay Soseng. Hindi niya nakayanan ang trancendence na kanyang naranasan.


[1] Ibid. p. 227.
[2] Jackson, Fantasy. p. 21.
[3] Barroso, “Mariang Makiling.” p. 227.
[4] Ibid. p. 233.
[5] Resil B. Mojares, “Waiting for Mariang Makiling,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History, (Quezon City: Ateneo de Manila University, 2002), p. 1-19.
[6] Barroso, “Mariang Makiling.” p. 229.