Lunes, Pebrero 6, 2012

Ang Mga Manananggal ni Tony Perez

Perez, Tony, "Ang Mga Manananggal," Cubao Pagkagat ng Dilim. Mandaluyong: Cacho Publishing House, Inc., 1993, p. 87-108.

Binubuo ng mga sipi ng journal entry ni Dale mula Hunyo 28 hanggang Agosto 17, isinasalaysay ng kuwento ang obsesyon ni Dale sa kanyang mga kapitbahay na Manayon sisters. Minsang gabihin siyang umuwi at nagkataong mag-short cut sa palengke ng Farmers', nasaksihan niya ang pagpatay sa isang biyehero sa kamay ng Manayon sisters. Mula nito'y sinubaybayan na niya ang mga galaw ng magkapatid lalo na tuwing gabi. Nalaman niyang gabi-gabing lumalabas ang magkapatid, ang pag-ingit ng tarangkahan ang madalas tanda nito para kay Dale. Tila tiktik na nagbabadya ng pagdating o pag-alis ng isang manananggal ang mga ingit na iyon sa kamalayan ni Dale. Malalaman niyang pumupunta ang magkapatid palengke upang magtoro at parausan ng iba't ibang lalaki. wika nga ng tanod na nagbabantay sa pangyayari, "Gagawin lahat niyan, lahat ng kalibugan, huwag lang sila' butasan."[1]

Sa kuwentong ito, naghahalo ang takot at pagnanasa. Natatakot si Dale sa Manayon sisters ngunit may namumuong pagnanasa sa kanyang kalooban. Natakot siya sa kakayahan ng magkapatid na pumatay. Ngunit hindi ito pumugil sa kanya upang sundan paminsan-minsan ang magkapatid sa kadiliman ng gabi. Hindi rin nito pinigil ang kanyang kapangahasan na kausapin ang magkapatid sa umaga, tila isang sandali na lamang ay sasabihin na niya at aaminin ang katotohanang alam niya. Mamamalayan ni Dale ang masalimuot na ugnayan ng takot at pagnanasa sa dulo ng kuwento, nang kausapin siya ng Manayon sisters, na palihim daw siyang pumunta sa kanilang bakuran, tila isang paanyaya sa isang palihim na relasyon.

Masalimuot ang relasyong sekswal na isinisiwalat ng kuwento. Nariyan ang Manayon sisters. Palagi silang inosenteng manamit at bagaman nagdadalaga na'y tila nasa pala-palaging kalagayan ng pagkabata ang kanilang hitsura. Gayundin, madalas silang manamit na magkatulad at nagmimistula silang kambal sa mata ng ibang tao. Masasabing impluwensiya ito ng paglaki sa poder ng kanilang Tiya Sion, isang matandang dalaga na nag-uruga sa kanila matapos mamatay ang kanilang mga magulang. Sa wika ng sikolohiya, repressed ang kanilang identidad bilang mga dalaga at bilang mga indibidwal. Naipapamalas lamang nila ito tuwing gabi habang nagpaparaos at pinagpaparausan. Sa mga sandali lamang na ito naipapamalas nila ang kanilang identidad bilang mga dalaga't babaeng naghahanap ng pisikal na relasyon. Gayundin, sa mga sandali lamang na ito nila nahuhubad sa harap ng madla ang kanilang mga damit na nagtatanggal sa kanilang indibidwalidad. Hubo't hubad, kitang-kita ang pagkakaiba ng kanilang katawan at nagiging malinaw ang natatanging katangian nina Ye at Estela. Ngunit nananatili ang kontrol sa mga sandaling ito ng tila lubos na pagpapaubaya sa libog. Ang patakarang "huwag silang butasan" ay nagbibigay sa Manayon sisters ng kontrol sa kanilang gabi-gabing pagpaparaos. Bagaman maaaring unawain ang pagpaparaos ng mga lalaki sa katawan ng Manayon sisters bilang pambababoy, kailangang unawain na ang pambababoy na ito ay pinapayagan ng Manayon sisters ayon na rin sa mga hangganang itinalaga ng magkapatid.

Kaya't magiging mahalaga ang pagpatay na nasaksihan ni Dale, ang pagpatay sa biyahero. Tinangkang gahasain ng biyahero ang magkapatid. Gagawin ng biyahero ang isang bagay na mahigpit na ipinagbabawal at malinaw ang kaparusahan sa paglagpas sa hangganan na ito: kamatayan. At maaaring ito rin ang dahilan ng iba pang mga napatay na lalaki sa palengke, mga lalaking naging pangahas at naparusahan dahil sa kanilang kapangahasan.

Sa mata naman ni Dale, isang taboo ang Manayon sisters. Sa umaga, tila mga bata silang hindi dapat pagnasahan, hindi dapat hawakan. Sa gabi, mga mapanganib silang nilalang. Ang taboo na ito ang nagbibigay kay Dale ng kakaibang obsesyon sa magkapatid. Hanggang saan niya kayang lapitan ang taboo na ito? Hanggang tingin na lamang ba siya? O kaya ba niya itong lapitan at mahawakan? Kaakit-akit ang anyaya sa kanya ng Manayon sisters ng gabing pakikipagkita. Hanggang saan nga ba niya makokontrol ang kanyang pagnanasa? Mangyari din kaya sa kanya ang nangyari sa mga lalaking lumagpas sa pinahihintulutan ng Manayon sisters?

Sa kuwentong ito, winawasak ang kontrol ng lipunan sa mga pagnanasang araw-araw na itinatago, lalo na sa mga babae. Ngunit sa pagitan ng Manayon sisters at ni Dale, nagiging baligtad ang sitwasyon. Nagagamit ng Manayon sisters ang pagnanasa bilang paraan ng kontrol sa mga lalaki tulad ni Dale. Sila ang nagtatakda ng sarili nilang mga batas at hangganan sa kanilang mundo ng gabi. Tulad ng sinabi ni Dale, sila, bilang mga babae, ang nagbibigay ng buhay at nagbibigay rin ng kamatayan.



[1] Tony Perez, "Ang Mga Manananggal," Cubao Pagkagat ng Dilim. (Mandaluyong: Cacho Publishing House, Inc., 1993), p. 99.

Biyernes, Pebrero 3, 2012

May Landas ang mga Bituin ni Macario Pineda

Pineda, Macario, “May Landas ang mga Bituin.” Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento, Soledad S. Reyes pat. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990, p. 188-196.

Kung ang relasyong piyudal at kolonyal ang pinag-uugatan ng diskurso ng pagmumulto’t mga kaluluwa sa “Paniningil ng Alila”, digmaan naman ang ugat ng fantasya ng “May Landas ang mga Bituin” ni Macario Pineda.[1]

Tungkol ang kuwento sa paglalakbay ng kaluluwa ng dalawang sundalo, isa’y Filipino at ang isa’y Hapon, na namatay sa isang engkuwentro noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Magsisimula ang kuwento sa labanan nina Okamoto Tani at Juan Mendoza sa isang bahagi ng kagubatan ng Bulacan at ang kanilang pagkamatay sa engkwentrong ito. At sa kanilang pagkamatay, makikilala ng kanilang kaluluwa ang isa’t isa, Beta ang pangalan ng kaluluwa ni Juan Mendoza at Delta naman ang kay Okamoto Tani. Mula sa kanilang pagkamatay, magkasamang maglalakbay ang dalawang kaluluwa. Magtutungo ang dalawang kaluluwa sa bayan ng Bigaa, ang pinanggalingang bayan ni Juan Mendoza. Pakikinggan ng mga kaluluwa ang usap-usapan ng mga kababayan ni Juan Mendoza tungkol kay Juan Mendoza at sa digmaan. Tutuloy naman ang mga kaluluwa sa asawa’t anak na iniwan ni Juan Mendoza. Sa pagdalaw nila sa pamilyang ni Juan Mendoza, malinaw na ang isang sana’y buong pamilya ay mangungulila sa asawa’t ama. Sa pagbisita nila sa dalawang lugar na ito, mababagabag ang dalawang kaluluwa sa naging buhay nila sa mundo at hinanap nila si Matandang Tao upang kausapin tungkol sa katotohanan ng kanilang naging buhay.

Sa pagbibigay-pansin sa kaluluwa ng dalawang sundalo, dinadala ang mambabasa sa higit na espiritwal na antas labas sa pisikal na realidad. At itinatambal ang dalawang magkaiba bagaman magkaugnay na mundo sa kabuuan ng kuwento. Ang dalawang mundo, ang pisikal na mundo at ang espiritwal na mundo, ay may sariling mga katotohanan at realidad na dapat harapin. Sa pisikal na mundo, ang karupukan at temporalidad ng buhay ang nangungunang katotohanan na kinakaharap ng mga nabubuhay. Kaya’t sa pakikinig ng mga kaluluwa sa mga kababayan ni Juan Mendoza, hindi kataka-taka na marami sa mga taong naroon sa pagupitan ay may praktikal na pagkiling tungkol sa buhay. Pinagtatawanan ng ilan sa mga tao doon ang ginawang pagpili ni Juan Mendoza na pagsali sa kilusang guerilla at lumaba’t ipagtanggol ang bansa dahil, kumpara sa isang kakilala nilang yumayaman sa smuggling dulot ng kaguluhan ng digmaan, walang perang kikitain sa pagiging sundalo. Sa mundo ng mga nabubuhay, ang paghahanap ng materyal na kaginhawaan ang binibigyan ng halaga.

Iba ang mundo ng mga nabubuhay kumpara sa mundo ng mga kaluluwa. Nang kausapin ng mga kaluluwa si Matandang Tao, lalantad ang pinagkaiba ng mundo ng mga nabubuhay sa mundo ng mga kaluluwa. Makikita ito sa sagot ni Matandang Tao nang tanungin ng mga kaluluwa kung may kasalanan sina Juan Mendoza at Okamoto Tani nang sila’y mamatay:

O mga kapatid ko, ang kasalanan nila ay pagkakasalang isang daigdiging hindi makaunawa ng isang dakilang katotohanan: iisa ang Lumikha, iisa ang kalupaan, iisa ang sangkatauhan. Walang itinanging bansa sa mundo. Magkakapatid ang mga nilikha.[2]

Sa mundo ng mga kaluluwa, nakawala na ang tao mula sa mga limitasyon at pagkakahong kanyang naranasan nang nabubuhay pa ito. At sa mundong ito ng mga kaluluwa ay naiigpawan na ang uri, lahi at nasyonalidad at imbes ay nagtutungo sa higit na unibersal at ideal na antas. Ngunit dahil hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang unibersal at ideal ng pagkakabuklod. Kaya’t sumisiklab pa rin nag mga digmaan at mga labanan. Ngunit umaaasa pa rin si Matandang Tao sa kakayahan ng taong makamit ang ideal na ito tulad ng paniniwala ni Platon na makakawala ang taong nakulong sa yungib tungo sa liwanag.[3] Ani Matandang Tao, “Sa kabila ng walang-pangalang dalamhating tiniis ng sangkatauhan sa loob ng libo-libong mga taon ay nakauusad din ang tao.”[4]



[1] Macario Pineda, “May Landas ang mga Bituin,” Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento, Soledad S. Reyes pat. (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990), p. 188-196.
[2] Pineda, “May Landas ang mga Bituin.” p. 195.
[3] Mababasa ang alegorya ng yungib sa Ika-7 Aklat ng Plato, Republic, trans. Benjamin Jowett (New York City: Barnes and Noble Classics, 2004), p. 224-231.
[4] Pineda, “May Landas ang mga Bituin.” p. 196.