Biyernes, Hunyo 1, 2012

Dagli Sci-fi ni Alwin C. Aguirre


Aguirre, Alwin C., “Dagli Sci-fi,” Semi-kalbo at iba pang kuwento. Lungsod ng Maynila: NCCA, 2005, p. 12-16.

Binubuo ng apat na dagli ang “Dagli Sci-fi” ni Alwin Aguirre. Iisa-isahin ko ang bawat dagli at bibigyan ng paglalagom sa dulo.

1.

Tungkol ang unang dagli sa magkapatid na Nonoy at Oboy. Mga batang kalye sila at ninais ni Nonoy na makita ang loob ng Arcour, isang pabrika ng meat processing at gumagawa ng delata. Ang Arcour rin ang kinikilalang pinaka-advanced na pabrika sa Pilipinas. Ang magiging advanced na ito ang umantig sa interes ni Nonoy. Isa itong kakaibang bagay para sa isang batang tanging nararanasan lamang ay kahirapan at kasalatan.

Ngunit sanay na rin naman sina Nonoy at Oboy sa buhay na kasalatan sa harap ng iba’t ibang imahen ng kasaganahan at pag-unlad. Natutulog sila sa ilalim ng MetroStar o di kaya’y sa tabi ng MetroSub. Ngunit misteryoso para kay Nonoy ang pabrika ng Arcour dahil sa ipinagbabawal nitong katangian. Di tulad ng MetroStar at MetroSub na mga pampublikong lugar, nababakuran ang pabrika ng Arcour ng matataas na bakod at nakasabit sa mga bakod na ito, kasama ng mga mapagmayabang na mga patalas, ang iba’t ibang uri ng babala. Ngunit hindi pinansin ni Nonoy ang mga nakasulat na babala dahil, unang-una, hindi siya marunong magbasa at, pangalawa, nangibabaw na sa kanyang kalooban ang pagnanasang makapasok sa loob at patunayang siya ang pinakapatinik na magnanakaw.

Naiwan si Oboy sa labas ng pabrika habang nagpatuloy si Nonoy papasok ng pabrika, kampanteng walang makahuhuli sa kanya dahil “wala man lang sekyu.” Ngunit hindi kailangan ng pabrika ng mga bantay. Bilang isang computerized na sistema, mahihinuhang maging ang pagbabantay dito’y awtomatik. At malinaw ang babala sa labas ng pabrika. “Mapanganib ang mga makina.” Hindi ang mapanganib na mga tao ang itinataboy ng mga matataas na bakod ng pabrika, ang mapanganib na mga makina ang ikinukulong.

Dito, ang makina at teknolohiya’y may potensiyal na lumikha at gumawa ng mga produkto. Ngunit ang kapangyarihan na ito’y mapanganib lalo na sa mga taong walang pag-unawa sa paggamit nito. Ang teknolohiya’y apoy ni Prometheus, isang biyayang kailangang pag-ingatan dahil mapanganib.

2.

Ang pangalawang dagli ay tungkol sa isang di-pinangalanang yuppie na bumili ng Cookster, isang komplikadong makinang sana’y tutulong sa kanyang paghahanda ng pagkain. Mag-aagahan na sana siya ngunit hindi gumagana ang Cookster at hindi niya maunawaan kung bakit. Kinunsulta na niya ang manual ngunit walang nangyari. Nagmamadali na siya para hindi mahuli sa trabaho. Inabisuhan na siya na kung mahuhuli pa siya’y baka masisante na siya. Kaya’t dumampot siya ng isang delata ngunit dahil sa tuwa na mayroon na siyang Cookster, itinapon na rin niya ang kanyang abre-lata. Itinapon na lamang niya ang delata at padabog na lumabas ng silid upang hindi na mahuli sa trabaho. At sa paglabas niya sa silid, may mag-aanunsiyo na nagbalik na ang kuryenteng naputol dahil sa system maintenance, ang tunay na dahilan ng hindi paggana ng Cookster.

Sa dagling ito, doble-dobleng suliranin ag kinakaharap ng tauhan. Una, ang suliranin ng pumalpak na teknolohiya. Buong-buo ang pagpapaubaya ng tauhan sa kakayahan ng Cookster na tulungan siyang mapadali ang trabaho ng pagkain araw-araw. Naiisip ko’t naaalala ang mga sci-fi na palabas tulad ng The Jetsons at Star Trek na nagpapakita ng halos instant na paglikha ng pagkain sa tulong ng mga makina. Ngunit ang pagpapaubayang ito’y problematiko sa harap ng pagkasira ng makina.

Ang pangalawang suliranin ay ang suliranin ng panahon. Dapat ay tinutulungan ng Cookster ang tauhan sa pagpapabilis ng kanyang karanasan ng paghahanda ng pagkain. Ngunit dahil sira nga ito, lalo lang nitong pinalala ang problema ng tauhan sa panahon.

Gayundin, nakatali rin ang tauhan sa pagbabayad para sa Cookster sa loob ng dalawang taon. Mahal ang pagbabayad ng mga appliance at nagagawa lamang itong mabayaran ng mga gitnang uring manggagawa sa pamamagitan ng installment na pagbabayad. Sa pagbabayad nang installment, nakatali ang tauhan sa Cookster sa loob ng panahon, gumagana man ito o hindi.

Ang huling suliranin ay ang suliranin ng tauhan sa panahon bilang mangagawa at tumatangkilik sa teknolohiya. Hindi na kanya ang panahon niya kaya’t sumasalalay siya sa mga makinang tulad ng Cookster. Nilikha ang mga makina, lalo na ang uri ng makinang nilikha pagkatapos ng Rebolusyong Industriyal, upang tulungan ang tao sa kanyang kakayahang panggawa. Paano gagawing higit na epektibong manggagawa ang tao? Ito na ang naging tunguhin ng mga makina, sa loob man o labas ng pabrika. Mahalaga ito dahil hindi na sa manggagawa ang kanyang panahon kundi sa kompanya. Ang lohikang ito ang iniisip ng tauhan kaya niya binili ang Cookster.

Gayundin, bukod pa sa pakikibagay sa panahon ng kompanya, nakikibagay din ang tauhan sa panahon ng makina. Nakatatawa ang tila twist sa dulo ng dagli na nagsasabing mayroong system maintenance. Matatanong marahil ng mambabasa kung bakit hindi alam ng tauhan ang scheduled maintenance. Kung alam lang sana niya ang scheduled maintenance! Ngunit higit na mainam na tanong e bakit niya kailangang makibagay sa system maintenance schedule? Sa ganitong antas na ang pagsalalay ng tao sa makina, hindi na ang tao ang nagdidikta ng paggamit ng kanyang panahon. Mismong ang mga makina ang nagdidikta nito para sa tao. (Alalahanin na lamang ang mga alarm clock.)

3.

Ang ikatlong dagli ay tungkol kay Joseph, isang commuter. Pasakay siya ng MetroStar ngunit mabagal ang pag-usad ng pila pataas at papasok ng estasyon. Para mas mabilis na makarating sa tutok, sumakay siya ng elevator. Pataas, nakita niya kung bakit mabagal ang pag-usad ng pila, may isang matanda, isang lumpo, at isang bata ang mabagal na umaakyat sa unahan ng pila.

Tulad sa ikalawang dagli, binibigyang-pansin ng dagli ito ang relasyon ng panahon at makina. Tampok naman dito ang MetroStar o MRT 3. (MetroStar ang popular nitong pangalan pero mas ginagamit ko sa pagsasalita ang MRT.) Isang komplikadong teknolohiya ang riles. Ito ang nagpasimula, kung hindi man nagpaunlad, ng Rebolusyong Industriyal. At bilang isang pampublikong sistema ng transportasyon, ipinamamalas nito ang praktikal na halaga ng teknolohiya—ang tulungan ang taumbayan. Nilikha ang MRT at ang iba pang light rail transit system upang ibsan ang daloy ng trapik. Sa kaso ng MRT, ito ay EDSA. Sa pangkalahatan, mas mabilis ang paglalakbay sakay ng MRT dahil iwas trapik nga naman ito. Ngunit ipinamamalas ng dagli hindi lamang ang limitasyon ng makina kundi ang limitasyon ng katawan.

Ipinamamalas ng matanda, lumpo, at bata ang limitasyon ng katawan. Pisikal na bagay pa rin ang mga makina o iba pang anyo ng teknolohiya. Sa katawan natin dinadanas ang mga makina. Ngunit dahil nakaangat na riles ang MRT, kailangang akyatin ito para makasampa sa mga plataporma nito. At bagaman may paraan ang tatlo para makarating sa tuktok nang mas mabilis, ang eleavtor, hindi nila ito kinuha dahil siguro sa yabang o pride. Na ang pagsakay sa elevator ay isang pagtanggap sa kanilang limitasyon.

Sa kabilang banda naman, bagaman mataas na teknolohiya ang mga mass transportation system, limitado pa rin ito ng mga pisikal na realidad—ng pisika, ng pisikal, at ng heograpiya. Limitado pa rin ang bilis na kayang abutin ng tren. Limitado pa rin ang bilang tao na kayang pasakayin ng bawat tren. Limitado ang pa rin ang pagdaraanan ng riles ng heograpiyang dinaraanan nito.

4.

Ang huling dagli ay tungkol kay Jo-nas. Tulad nina Nonoy at Oboy sa unang dagli, isang batang kalye si Jo-nas. Kananakaw pa lamang niya ng isang lata ng vienna sausage. Habang naglalakad palayo si Jo-nas, nasa ibabaw niya ang MRT II, isang bagong tayong tren na gumagamit ng teknolohiyang nagbibigay dito ng kakayahang lumutang. Nang makalayo na’t sigurado nang walang humababol sa kanya, tumigil si Jo-nas at binuksan ang delata. At inisip niya ang makinang kayang gumawa ng vienna sausage.

Tulad ng naunang dagli, may malinaw na pagtatambal ng kasalatan at mataas na uri ng teknolohiya. Malay si Jo-nas sa realidad na may mataas na uri ng teknolohiya sa paligid niya. Ngunit kakatwa ang kanyang reaksiyon dito. Pagtataka at hindi pagkamangha ang dumaraan sa kanyang isipan. Paano nagagawa ng tren na lumutang at hindi magpakawala ng usok di tulad ng ibang mga makina? Paano nagagawa ng mga makina ng pabrika ng Arcour na gumawa ng vienna sausage? Tila ang mga tanong na ito’y patungo sa iba pang tanong—paano nananatili ang kahirapan sa harap ng mataas na uri na mga teknolohiya na ito?

***

Ipinamamalas ng mga dagli ang karanasan sa teknolohiya ng Pilipinas bilang isang third world na bansa. Hindi pangunahing bansa sa pag-develop ng teknolohiya ang Pilipinas. Walang malalaki na teknolohikong kompanya ang Pilipinas di tulad ng ibang industriyalisadong bansa tulad ng Amerika (hal. Apple at Ford Motors), Japan (hal. Sony at Mitsubishi), at Korea (hal. Samsung at Hyundai). Karamihan ng teknolohiya’y inangkat at makikita ito sa halos lahat ng dagli. Galing UK ang teknolohiya ng Arcour. Produkto ng UN investment ang MRT II. Kaya’t may karanasan ng pagkatiwalag ang mga tauhan sa mga dagli sa bawat pakikipagtagpo nila sa makina o teknolohiya. Hindi sumasalamin ang teknolohiya dito bilang tanda ng pangkalahatang pag-unlad ng lipunan at indibidwal. Dahil inangkat, tanda lamang ang mga makina at teknolohiya ng panlabas na pag-asenso ngunit hindi ito lubos na nasasaloob. Ito ang kritika ng una at huling dagli.

Ang isa pang ipinakikita ng mga dagli, lalo na sa pangalawa’t pangatlo, ay ang gitnang uring pagnanasa/fantasya para sa makina at teknolohiya. Kinakatawan ng Cookster ang isang pagnanasa ng madali at magaang buhay na ibinibigay ng pera’t suweldo, isang sosyal na katulong. Kinakatawan ng MRT at ng iba pang mass transportation system ang pagnanasa ng mobilidad sa antas ng pisikal na paglalakbay kung hindi man sa antas ng uri. Ngunit ang paggamit ng mga makina’t teknolohiya na ito’y nakasalalay sa kakayahan ng indibidwal na bumili at magbayad. Kung wala kang pera, hindi mo kayang magamit ang mga teknolohiya na ito. Kaya’t bagaman naririyan lamang ang mga bagay na paligid, tila napakalayo ng mga makina at teknolohiya na ito sa haraya ng mga batang tulad nina Jo-nas, Oboy, at Nonoy.

Huli, kinakatawan ng mga makina at teknolohiya ang lubos na pagpapaubaya sa dikta ng kapital at industriya. Sa halip na bigyan ang tao ng oras, lalong umiigting ang pangangailangan niya ng oras na pala-palaging hinihiling ng kapital na ibigay dito. Ang dikta ng panahong nasasayang at binabayaran ang pangunahing pinoproblema sa pangalawa’t pangatlong dagli. At ang mga tauha’y gumagalaw ayon sa pagnanasang gumalaw nang mas mabilis upang habulin ang unti-unting nawawalang oras.