Martes, Pebrero 26, 2013

Murder in the Dark ni Margaret Atwood


Atwood, Margaret, Murder in the Dark: Short Fictions and Prose Poems. London: Virago, 1997. Unang nilathala ng Jonathan Cape Ltd noong 1984.

Nahahati sa apat na bahagi ang "Murder in the Dark" ni Margaret Atwood, isang kalipunan ng kaniyang mga maikling kuwento at tulang tuluyan.

Ang unang bahagi ay binubuo ng walong tulang tuluyan. Prominente sa bahaging ito ang tema ng alaala. Kung paano ito tumatatak o hindi tumatatak sa kamalayan, kung paano nagbabago o dumadaloy ang alaala. Sa "Autobiography", "Making Poison", "The Boy's Own Annual, 1911", "Before the War", at "Boyfriends", makikita ang pagdaloy na ito sa mismong proseso ng pag-alala. Mahulagway ang alaala para sa umaalala. Ilan lang na matatatag na imahen ang nananatili ngunit lumalabo't nagbabago ang ibang detalye. Ang tumatatak naman na takot ang binibigyang-pansin sa "Horror Comics", "The Victory Burlesk", at "Fainting".

Ang ikalawang bahagi ay binubuo ng isang akdang pinamagatang "Raw Materials. Nahahati sa limang anekdota ang "Raw Materials" tungkol sa karanasan ng mga turista. Madalas na pinag-uusapan ang panghihimasok na madalas ginagawa ng mga turista sa mga lugar na kanilang binibisita, ngunit sa mga anekdota na ito, ang karahasang nararanasan ng mga turista kapag pumapasok sila sa isang kakaibang lugar ang higit na binibigyang-pansin. Tulad ng marahas na panghihimasok ng musika sa dalawang nag-uusap sa pier. Tulad ng marahas na panghihimasok ng isang pulubi sa mga kumakain sa isang restoran. Tulad ng marahas na panghihimasok sa isang libingan ng isang hari o sa trono ng jaguar o sa himlayan ng diyos ng tubig. Inosente nga lamang ba ang pagiging turista? Hindi rin ba binabago ang mga turista sa kanilang paglalakbay sa kasaysayan?

Ang ikatlong bahagi ay binibuo ng anim na akdang masasabing higit na mapaglaro at metafictional. Sa "Murder in the Dark", inihahalintulad ang pagsusulat sa larong "murder in the dark", ang pagsisinungaling bilang pangangailangan upang mabuhay at hindi mahuli. Sa "Simmering", binabaliktad ang gender roles na madalas ikinakabit sa kusina. Dito, naging espasyong panlalaki ang kusina at kahit nagbaliktad na tradisyunal na trabahong ikinakabit sa lalaki at babae, nananatiling nasa gilid ang babae kahit na siya na ang nagtatrabaho. Sa "Women's Novels", mapaglarong inilalahad ang pagkakaiba ng pagsulat ng lalaki sa babae. Sa "Happy Endings", iisa lamang talaga ang maligayang katapusan, ang tanong na lamang ay kung paano ito maaabot. Ngunit iisa nga lamang ba ang "happy ending" para sa isag kuwento? Wala na bang alternatibo sa gitnang uring kaligayahan? Sa "Bread", pinaiisip ang mambabasa sa halaga, bigat, at posibilidad ng isang pirasong tinapay ayon sa iba't ibang konteksto at kaligiran. Na ang pag-iisip sa tinapay ay natatanging kapangyarihan. Sa "The Page", binibigyang-pansin ang relasyon ng manunulat sa isang blangkong pahina, ang mga panganib na mayroon sa relasyonn na ito at sa maling akala na mayroon ang mga tao tungkol sa pahina.

Ang huling bahagi ay binubuo ng labindalawang tulang tuluyan na nakatuon naman sa kakulangan at kahinaan ng wika na katawanin ang karanasan. Higit na litaw ito sa mga akdang "Mute", "Worship", "Liking Men," "Him", "Hopeless", "A Parable", "Everlasting", at "Instructions for the Third Eye". Litaw rin ang temang feminista, kundi man pambabae, ang relasyon ng babae sa lalaki, kung paano ang wika mismo'y nahihirapang katawanin ang napakakomplikadong relasyon na ito. Nasa lalaki nga ba ang kapangyarihan? Nasa babae ba ito dahil sa kaniyang kapangyarihan sa wika?

Sa lahat-lahat, wika ang pangunahing pinanggagalingan ng kapangyarihan ng mga akda sa kalipunang ito ni Atwood. Sa parehong kakulangan at kakayahan nitong ilahad ang danas doon nailalahad ang mga ambigwidad at kabalintunaan ng karanasan natin sa wika, at wika mismo bilang karanasan.