Tolentino, Rolando B., “Philippines 20000, Ltd.” Fastfood, Megamall at iba pang Kwento sa Pagsasara ng Ikalawang Milenyum. Manila : De La Salle University Press, Inc., 1999, p. 35-41.
Umiikot ang kuwentong “Philippines
20000, Ltd.” ni Rolando B. Tolentino sa isang araw ng buhay ni Ficus.[1]
Futuristiko ang tagpuan ng kuwento ngunit masasabi ring satirikal ang
kabuuang pag-atake ng kuwento sa mga tema’t isyung tinatalakay nito. Magsisimula
ang kuwento sa paggising ni Ficus isang umaga. Sa halip na maligo, umihi o
kumain, ang unang ginawa ni Ficus ay ikonekta ang kanyang katawan sa kompiyuter
at sa Internet. Dahil sa patuloy na pagkabit sa kompiyuter, naging “tingting”
na ang kanyang katawan. Sa kuwento, sapat na ang manatiling mabuhay at malay si
Ficus para gawin ang kanyang pang-araw-araw na gawain. Mga gawaing nakatuon sa
Internet. Umiikot ang buhay ni Ficus sa Internet. Sa Internet niya
pinamamahalaan ang kanyang balut subcontracting business. Maging ang pagpapalipas ng oras ay ginagawa niya sa Internet.
Sa mundong itong ginagalawan ng “Philippines
20000, Ltd.”, nasa pinakarurok na ang pamamayani ng sistema ng kapitalismo sa buong
mundo. Maaaring maging kapitalista ang isang ordinaryong mamamayan at maging mayaman dahil paglago ng teknolohiya. Mga kompiyuter na may komplikadong artificial
intelligence (AI) ang namamahala’t sumusubaybay sa stocks na pumapalaot sa pabugso-bugsong
daloy ng stock market. Ang mga ito rin ang namamahala’t sumusubaybay sa supply
at demand ng iba’t ibang negosyong pagmamay-ari ng mga tao. Kaya’t mahalagang
bahagi ng mismong pagkatao ng mga tao sa mundong ito ang makina/kompiyuter na kanilang
ginagamit. “Tanging kurdon ng kuryente ang bumabalot sa kanyang tingting na
katawan.” Halos iisa na si Ficus sa kompiyuter niya at tila isa siyang taong
nakakabit sa isang intensive care unit (ICU) sa ospital. Ang makina ang
nagbibigay-buhay sa kanya at makikita natin na hindi lamang ito sa isang
pisikal na antas kundi pati na rin sa isang existensiyal na antas.
Sa pagbukas ng kanyang kompiyuter at
pag-ugnay sa Internet, lalabas ang personal na AI ni Ficus, si Ligaya. Tulad ng
ibang mga “Ligaya” sa mga naunang mga akdang pampanitikan, tulad ng Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M.
Reyes, na kumakatawan sa isang partikular na ideal, salamin si Ligaya ng mga inaasam
na “ideal” ni Ficus. Subalit sa halip na kumatawan sa ideal ng pag-ibig tulad
ni Ligaya sa Sa mga Kuko ng Liwanag,
ang Ligaya ng “Philippines
20000, Ltd.” ay kumakatawan sa finafantasyang babae ni Ficus at, gayun din, sa
finafantasyang kita ng kanyang mga negosyo. Ganito ang unang usapan nina Ficus
at Ligaya sa araw niya:
Ligaya, ano ang hatid mo para sa akin? tanong nya sa CPU.
Nagblink ang screen at bumukas ang isang matrix.
Bottomline, profit will be down by 2.222% by 17:00, seductive na
sagot nito kahit nakompyut na ni Ficus ang datos sa kanyang mini-calculator na
inimplant na sa kanyang kanang mata. Gusto lamang nyang mapakinggan ang boses
ni Ligaya.[2]
Kahit na kaya na
niyang malaman ang kalagayan ng kita o hinaharap na kita ng kanyang mga stock
at kumpanya sa pagtingin lamang sa screen o sa pagtingin lamang sa calculator
sa kanyang mata, tinanong pa rin ni Ficus ang nilalaman ng screen dahil “gusto
lamang nyang mapakinggan ang boses ni Ligaya.” Dahil si Ligaya ang namamahala
sa mga negosyo, direktang nauugnay din
ang kita at sekswalidad. Ang bawat kitang naitatala ng mga stock ni
Ficus ay may katapat na kahali-halinang boses mula kay Ligaya. Dito, naghahalo
ang pagnanasa para sa babae at pagnanasa para sa kita. Naka-program kay Ligaya
ang mga katangian na nais ni Ficus sa isang babae—may kaakit-akit na boses,
malandi sa pagsasabi ng mga datos at masunurin sa kanyang mga kagustuhan. Nang
malaman ni Ficus ang masamang balita at nagpakita ng galit, “hindi kumibo ang
CPU, bigla na lamang humikbi at mahinang sumagot: Ipagpaumanhin nyo.”[3]
Naka-program na kay Ligaya na rumesponde sa partikular na mga damdamin ni Ficus.
Si Ligaya ang perpektong babae. Ginagawa ang lahat ng iniuutos sa kanya at
sensitibo sa mga pangangailangan at damdamin ng lalaking kanyang
pinagsisilbihan. Subalit maliit na bahagi lamang si Ligaya sa kabuuang network
na bahagi si Ficus. Nariyan ang mas malaking mundo ng Internet at ang
internasyunal na kapitalistang ekonomiya.
Pagkatapos na ayusin ang mga
pagkakamaling nagawa ni Ligaya, diretso agad sina Ficus at Ligaya sa
pamamalakad ng kumpanya ni Ficus. Dalawang problema ang agad ang lilitaw sa araw
na iyon. Una, nawalan ng chief cook si Ficus at kailangan niya itong punuan. Sa
libo-libong posibleng kapalit, dalawang pinansin ni Ligaya. Isa’y Rusong may
sampung Ph.D. at ang isa naman ay magfi-fishball. Pinili ni Ficus ang
magfi-fishball dahil sa praktikal na kakayahan at karanasang mayroon ito
kumpara sa Rusong may sampung Ph.D. na isang “professional student” ayon sa
kuwento. May malinaw na pagkiling kung ganoon si Ficus para sa kakayahan
kumpara sa kaalaman. Eksaherado itong bahagi ng kuwento at malinaw na puna sa
pagkiling ng mga kumpanya sa isang manggagawang napatunayan na ang kanyang
pagiging manggagawa at isa ring puna sa kasalukuyang eksaheradong pagpapahalaga
sa mataas na antas ng edukasyon.
Ang pangalawang problemang kinaharap
ng kumpanya ni Ficus ang pagbaba ng supply ng balut ng kanyang kumpanya dahil
napeste ang balut plant niya sa Pateros. Bilang solusyon, in-outsource na
lamang ni Ficus ang paggawa ng balut. Una niyang opsyon ay sa Zimbabwe ngunit may banta ng ebola virus kaya’t
sa Kampuchea (Cambodia )
ang napili niyang lugar na pagtayuan ng bagong balut factory.
Sa harap ng dalawang problema na
ito, madaling nasosolusyunan ni Ficus ang mga problema na ito ng kanyang
kumpanya sa tulong ng Internet at ng malawak at laganap na teknolohiya ng telekomunikasyon.
Sa pag-usbong ng isang pandaigdigang merkado, kinakailangan ng isang matatag na
sistema ng komunikasyon upang madali ang paggawa at pagdaloy ng mga produkto. Para kay Ficus, napakahalaga ng telekomunikasyon lalo na
sa isang “one-man operation” tulad ng sa kanyang kumpanya. Nagagawa ni Ficus na
kontrolin nang personal ang kumpanya kasabay ng pagharap sa iba’t ibang
problemang kakaharapin nito sa ano mang bahagi ng mundo.
Subalit kung ano mang tulong at
bentaha ang ibinibigay ng telekomunikasyon para kay Ficus ay mayroon ding
kaakibat na mga panganib at pagkukulang. Pangunahing problema na kakabit sa
kompiyuter at Internet ay ang problema sa pagsasakasaysayan at pag-alala.
Pagkatapos solusyunan ang mga problemang kinaharap ng kanyang kumpanya,
binalikan ni Ficus ang naging kasaysayan ng Jollibee. Makikita ang pagkukulang
ng kompiyuter sa pagtatala ng kasaysayan at pag-alala nang ia-access ni Ficus
ang lumang video ng Jollibee.
Lumabas
ang media footage ng birthday party celebrations, ang higanteng bubuyog na
mascot, at isang endorser na nagngangalang Aga A. Walang makitang apelyido.
Buhaghag kasi ang files simula nang magconvert ang system at network sa
homedelivery ang Jollibee at magtayo na lamang ng mga kariton sa kanto-kanto…[4]
Makikita ang
limitasyon ng kompiyuter. Kung wala o mawala sa hard drive o sa files ng
kompiyuter ang isang partikular na datos, mahirap na itong makita o mabawi. At
hindi ito kakaibang karanasan para sa atin sa kasalukuyan na maaaring ilang
beses na na-virus o nasira ang kanilang kompiyuter. Tila pangkaraniwang
karanasan ang mawalan ng mga file at datos dahil sa mga dahilan na ito. Kaya’t
lalaganap ang gawain ng pagba-back-up ng mga files sa CD, DVD, flash drive at
maging sa Internet. Dito sa kuwento, makikita na mawawala sa kasaysayan ang
alaala ni Aga Muhlach dahil lamang “buhaghag” ang mga file tungkol sa nakaraan
ng Jollibee.
Makikita rin ang ganitong
pagkukulang sa pagsasakasaysayan at pag-alala nang banggitin ni Ligaya kay
Ficus ang mga ibinebentang vintage na mga produkto sa merkado (nangongolekta
kasi si Ficus ng linoleum). Bago pa man buksan ang eBay sa Internet,
ipinapakita na ni Tolentino ang konsepto nito sa kuwento. Babanggitin ni Ligaya
ang mga produktong maaaring mabili.
Isang
sexy Judy Anne poster mula sa Chika-chika, tatlong higanteng rosaryong kahoy
mula sa Baguio ,
isang bayong ng everlasting (totoo palang di nalalanta itong bulaklak), mga
samut saring souvenir at give away sa kasal nina Gabby S. at Sharon Panguilinan.
Umiinit na ang kanyang ulo. Sharo
Cuneta!, ano ka ba naman, Ligaya. Ilang beses ko na bang pinau-update ang
records mo. Kahit kailan, kahit nang umabot si Sharon
ng 445 lbs., di nya pinalitan ang apelyido ng kanyang tatay, ang longest mayor
ng Pasig , si
Erap Estrada.[5]
Patong-patong ang
pagkakamali sa sipi na ito. Una, mali ang apelyido ni Sharon at
“itatama” ito ni Ficus. Ngunit tulad ni Ligaya, may mali
rin ang impormasyon na alam ni Ficus tungkol kay Sharon . Mali
ang amang binanggit ni Ficus kayundin, mali
ang lungsod na pinamahalaan ng ama ni Sharaon (Pasay
City ) at maging ang lungsod na
pinamahalaan ni Erap (San Juan ).
Kung ang nakalagay sa kompituter, mali man o tama, ay pinaniniwalaan
niyang totoo at walang sistema na maaaring magtama sa mga pagkakamali niya.
Bagaman konektado siya sa Internet, maaaring mali pa rin ang datos ang na
nakalagay doon. Nang nagsisimula ang Wikipedia, kakabit na rin ng naunang
pagduda sa impormasyong nasa Internet, inatake ito sa dami nitong pagkakamali
at kakulangan ng pamantayan.
Magiging malinaw kung bakit ganito
magulo at mali-mali ang alaala ni Ficus. Biglang titili si Ligaya bilang babala
sa biglang pag-atake ng mga hacker sa kompiyuter ni Ficus. Dalawang beses nang
na-hack si Ficus noon.
Noong
una, naging bankrupt sya dahil sa mga ninakaw na data, kamuntik pa syang
makulong kung hindi lamang pakinggan nang husto ng on-line Court of Appeals ang
kanyang pighati. Sa ikalawang beses, pay-off na. Kahit anong hinihingi ng
hackers, dahil, kung sakali, tiyak ang lanyang sintesya mula sa on-line Supreme
Court.
Dahil
nakasalalay sa kompiyuter ang trabaho’t negosyo, ito ang inaatake ng mga
hacker. Nang kumalat ang “I Love You” virus, libo-libong kompiyuter na ang
nasira’t maraming mga kumpanya ang naabala’t nasira ang negosyo. Ngunit hindi
lamang sa pagsira ng data ang pakay ng mga hacker. Ninanakaw nila ang
impormasyon mo upang pagkakitaan. Ito ang pangunahing krimen na maaaring gawin
ng hacker sa kasalukuyan.[6]
Dito sa kuwento, ipinakikita ang
malabnaw na hangganan sa pagitan ng virtual na identidad sa tunay na identidad
labas ng kompiyuter at Internet. Nakasalalay sa kompiyuter ang kabuuang
kabuhayan at maging ang buhay ni Ficus. Bagaman nasa bahay lamang si Ficus,
nakakabit sa mga makina’t sa kompiyuter ang kanyang katawan, nananatiling mapanganib
ang kanyang buhay. Isang two-way system ang Internet. Tulad ng nagpapadala ang
kompiyuter ng datos palabas, tumatanggap din ito ng paloob. Sa kompiyuter
nakalagay ang lahat ng datos na mayroon si Ficus, buong buhay niya at buong
negosyo niya. Para mabangkarote, kailangan
lamang pasukin ng mga hacker ang kompiyuter at nakawin ang datos. At mapanganib
ang pagnanakaw ng datos hindi lamang sa negosyo ni Ficus kundi pati sa kanyang
personal na buhay. Muntik nang makulong si Ficus dahil maaaring nakuha rin ng
mga hacker ang mga gawaing ilegal na maaaring nagawa niya noon. Puno ang mga
kompiyuter natin ng impormasyong inaakala nating hindi makikita ng iba o
maaaring hindi rin natin alam na naroroon. Bagaman hindi sinasabi ng kuwento
kung ano ang mga posibleng itinatago ni Ficus na maaaring magdulot ng
pagkakakulong, malinaw na ayaw na niyang maulit ang muntikang pagkakakulong
dahil sa mga ginawa niya. Kaya binayaran na lamang niya ang mga hacker at
naging maingat sa seguridad ng kanyang kompiyuter.
Sa kuwento, dahil malabnaw ang
virtual na identidad sa tunay na identidad, tila walang pinagkaiba ang labas sa
loob. Madaling pasukin ang loob ng hacker tulad na madaling lumabas ang loob
tungo sa Internet. Upang kalabanin ang mga hacker na nagpatili kay Ligaya, kailangang
pumasok ng kamalayan ni Ficus sa Internet. Bagaman mga “grade 2.25” lamang mga
hacker na iyon, kinabahan pa rin si Ficus. Para
makapagpahinga, nagpalutang-lutang muna ang kanyang kamalayan sa Internet,
nagpamasahe ng “cyberspace ego” atbp. Ulit, ipinakikita ng kuwento ang laya ng
kamalayan sa Internet pero sa may kaakibat na panganib dahil bago umalis sa
kanyang katawan, nangamba rin si Ficus na baka makidnap ang kanyang kamalayan.
Dahil malabnaw ang konsepto ng o
pagkakakilanlan sa kasaysayan kasabay ng malabnaw na hangganan ng loob at
labas, malabnaw din ang konsepto’t pagkakakilanlan sa kultura. Babalik sa
pagsha-shopping si Ficus at muling maglilista ng mga produkto si Ligaya.
Mula
sa seductive voice ni Ligaya, heto ang mga bagong offers: poster ng alak ni
Anjannette, poster ng Red Bull ni Rosanna, kalendaryo ni Jay Manalo, mga
seramikong dwende’t crane para sa fishpond, centennial Swatch watches, ilang
isyu ng Liwayway at Bannawag, tigre’t asong manyikang nilalagay sa kotse’t
tumatango-tango, mga polyeto ng ten-year commemoration ng Mendiola massacre, naiwang
tsinelas at sumbrero mula sa Mendiola massacre, voice tape messages ng mga
Pinoy OCWs sa Saudi Arabia bago natuyot ang lahat ng petroleum ng bansa, voice
tape ng proceedings sa Chinese New Year poetry reading sa CCP circa 1998, ilang
original prints ni BenCab. Kaagad nyang sinulatan ang largest trivia shopping
news group para irekomendang i-delete ang last two items. Di at par sa estetika
ng ibang items sa cyber-brochure ng antique shopping network.[7]
Katawa-tawang
may “estetika” si Ficus ngunit kung may punto rin naman siya. Kailangang
pansinin na “mass-produced post-World War II at pre-Third Millenieum items” ang
kategorya ng mga produkto na ito. Malinaw naman na hindi “mass-produced” ang mga
poetry readings at mga orihinal na print ng mga pintor. Pinaglalaruan ni
Tolentino ang salitang “mass-produced”. Hindi nilikha ang huling dalawang
produkto para sa consumption ng masa di tulad ng mga poster ng alak o poster at
kalendaryo ng mga artista. Gayundin, hindi galing sa “masa” ang huling dalawang
produkto di tulad ng mga polyeto at ng tsinelas at sumbrero tungkol at galing
sa Mendiola massacre. Walang malinaw na politika sa pagtingin ng kultura
maliban na lamang sa malabong pagkakaunawa sa salitang “mass-produced”.
Isa sa mga huling gawain ni Ficus ay
makipagpulong sa iba pang mga negosyante tungkol sa kanilang taunang benefit
auction para sa kapakanan ng mahihirap. Kasunod nito ay ang parangal na TOYM
dahil sa kanyang pagnenegosyo. Pagdating ng hatinggabi, sisimulan na ni Ficus
na tapusin ang kanyang araw. Isasara niya ang kanyang pagawaan ng balut at aaprubahan
ang pagtanggap ng bagong chef na dating magfi-fishball. Pagkatapos pa lamang ng
“ilang dosage pa ng shabu, tylenol plus 10,000 mgs., sampung caffeine high,
tatlong virtual sex climax” magtatapos ang araw ni Ficus. Alas-dos bente otso
ng umaga bago pa lang talaga siya simulang matulog subalit hindi siya
makatulog. Sa isip niya’t may mga elektrikong tupa na lumulundag sa isang
elektrikong bakod. Pinanonood niya ang sariling imahen na natutulog subalit
hindi talaga siya tulog o makatulog. “Ngunit kahit ilang beses na syang
nagpapatak ng moisturizer, mahapdi pa rin ang kanyang dilat na dilat na matang
balisang nag-aantay sa muling pagbangon.”[8]
Sa pagtatapos na ito lamang talaga magiging malinaw ang kabigatan ng pagiging
isang negosyante sa panahon na wala nang empleyado.
Bagaman ikinukuwento lamang ang
isang araw ni Ficus, nagtatapos ito sa tila isang loop. Sa dulo ng lahat,
nagiging makina na lamang ang sariling hindi na kayang matulog at hindi na kayang
managinip at mag-isa si Ficus sa kanyang pagkabalisa. Balisa siya dahil sa
kanyang kalagayan na walang katapusang ngayon.
[1] Rolando B. Tolentino, “Philippines 20000, Ltd.” Fastfood, Megamall at iba pang Kwento sa
Pagsasara ng Ikalawang Milenyum (Manila :
De La Salle University Press, Inc., 1999), p. 35-41.
[6] Sa kaso ni Kevin
Mitnick, na-hack niya ang mga sistema ng iba’t ibang kumpanya tulad ng
Motorola, Fujitsu, Sun Microsystems at iba pa. Nakapagdulot ang kanyang hacking
ng milyon-milyong dolyar na pagkalugi sa bahagi ng mga kumpanyang kanyang
na-hack. Nakuha sa http://www.justice.gov/criminal/cybercrime/mitnick.htm.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento