Tungkol ang kuwento kay Felipe,
isang magsasaka. Kamamatay lamang ng kanyang ina at lubusan nang naulila. Sa
araw na iyon ng libing ng kanyang ina, napagdesisyon ni Felipe na pumuntang
Mindanao kasama ng kanyang asawang si Itsay. Ang pagtakas sa abang buhay bilang
magsasakang kinakapitan ng kapangyarihan ng piyudalismo. Kinumbinsi siya ng
kanyang kapatid na si Doro na huwag nang umalis. Kahit na mahirap ang buhay sa
ilalim ng piyudalismo, idinahilan ni Doro na mas mainam nang naririyan siya at
ang iba pang mga kamag-anak sakaling maghirap ang buhay nina Felipe at Itsay.
Ngunit desidido na si Felipe at agad-agad silang umalis patungong Maynila upang
sumangguni at samali sa homestead program ng pamahalaan. Sa kalagitnaan ng
patungong Maynila, malalaman ni Felipe na buntis pala si Itsay. Nang makarating
sila sa kanilang lupain, malaking paghihirap ang pinagdaanan ng mag-asawa.
Mag-isa lamang nilang itatayo ang kanilang kubo, hahawanin ang gubat at
magtatanim ng palay. Ngunit sa kabilang ng mga paghihirap, walang tagumpay na
darating para kay Felipe. Mamamatay ang anak nila dahil napakalayo nila mula sa
bayan. Mamamatay din si Itsay dahil sa malaria. At uuwi siya sa kanyang iniwang
bayan at malugod na tatanggapin ni Doro.
Kakatwa ang politikang inilalahad ng
kuwento. Sa isang banda, maaaring unawain ang kuwento bilang pagtuligsa sa mga
kakulangan ng homestead program ng pamahalaan. Makikita ito sa halos satirikal
na monologo ng empleyado ng Kagawaran ng Paggawa. Paulit-ulit niyang inuusal
ang “mabuti” at ang mga pangako ng pamahalaan ng mabuting buhay sa Mindanao.
Ngunit iba ang realidad sa Mindanao. Mahirap ang buhay dahil nga sa basal ang
lupain at kailangan ng matinding pagbabanat ng buto upang mataniman lamang ang
isang maliit na bahagi ng lupa. At maaari ngang nagdulot ng kamatayan ni Itsay
at ng kanilang anak. Simboliko ang kamatayan ng kanilang anak. Ang simula ng
kamatayan ng pag-asa para sa kanila.
Ngunit sa kabilang dako’y
tinatanggap ng kuwento ang katotohanan at kapangyarihan ng sistemang piyudal.
Tila sinasabing OK lang ang sistemang ito. Basta’t nariyan ang pamilya mong
tutulong sa iyo at kasama mong mamamatay sa hirap, kayang pagtiisan ang
piyudalismo. Halimbawa ang kuwentong ito ng pagtatagpo ng piyudalismo at
tradisyunal na pagpapahalaga sa pamilya. Ang kapalit ng pag-asa’y sariling dugo.
At kung hindi mo kayang ibuwis ito’y magtiis na lamang sa piyudalismo. At
walang takas ang magsasaka sa piyudalismo lalong-lalo na kung isasaalang-alang
ang kakulangan ng isang programang komprehensibo para sa ikababago ang
kalagayan ng mga magsasaka. Tulad ni Felipe, itinatapon lang sa kawalan ang mga
magsasaka sa kung ano-anong programa, tulad ng homestead program noon at sa
agrarian reform ngayon. Sa ganitong dalawang interpretasyon gumuguho't tumatayo ang maikling kuwento.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento