Sabado, Marso 17, 2012

Hikbi sa Karimlan ni Adriatico P. Laudico

Laudico, Adriatico P., “Hikbi sa Karimlan,” 50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista, Aklat I. Pedrito Reyes, pat. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1998. Inilathala ang unang edisyon noong 1939 ng Ramon Roces Publications.

Tungkol ang kuwento kay Felipe, isang magsasaka. Kamamatay lamang ng kanyang ina at lubusan nang naulila. Sa araw na iyon ng libing ng kanyang ina, napagdesisyon ni Felipe na pumuntang Mindanao kasama ng kanyang asawang si Itsay. Ang pagtakas sa abang buhay bilang magsasakang kinakapitan ng kapangyarihan ng piyudalismo. Kinumbinsi siya ng kanyang kapatid na si Doro na huwag nang umalis. Kahit na mahirap ang buhay sa ilalim ng piyudalismo, idinahilan ni Doro na mas mainam nang naririyan siya at ang iba pang mga kamag-anak sakaling maghirap ang buhay nina Felipe at Itsay. Ngunit desidido na si Felipe at agad-agad silang umalis patungong Maynila upang sumangguni at samali sa homestead program ng pamahalaan. Sa kalagitnaan ng patungong Maynila, malalaman ni Felipe na buntis pala si Itsay. Nang makarating sila sa kanilang lupain, malaking paghihirap ang pinagdaanan ng mag-asawa. Mag-isa lamang nilang itatayo ang kanilang kubo, hahawanin ang gubat at magtatanim ng palay. Ngunit sa kabilang ng mga paghihirap, walang tagumpay na darating para kay Felipe. Mamamatay ang anak nila dahil napakalayo nila mula sa bayan. Mamamatay din si Itsay dahil sa malaria. At uuwi siya sa kanyang iniwang bayan at malugod na tatanggapin ni Doro.

Kakatwa ang politikang inilalahad ng kuwento. Sa isang banda, maaaring unawain ang kuwento bilang pagtuligsa sa mga kakulangan ng homestead program ng pamahalaan. Makikita ito sa halos satirikal na monologo ng empleyado ng Kagawaran ng Paggawa. Paulit-ulit niyang inuusal ang “mabuti” at ang mga pangako ng pamahalaan ng mabuting buhay sa Mindanao. Ngunit iba ang realidad sa Mindanao. Mahirap ang buhay dahil nga sa basal ang lupain at kailangan ng matinding pagbabanat ng buto upang mataniman lamang ang isang maliit na bahagi ng lupa. At maaari ngang nagdulot ng kamatayan ni Itsay at ng kanilang anak. Simboliko ang kamatayan ng kanilang anak. Ang simula ng kamatayan ng pag-asa para sa kanila.

Ngunit sa kabilang dako’y tinatanggap ng kuwento ang katotohanan at kapangyarihan ng sistemang piyudal. Tila sinasabing OK lang ang sistemang ito. Basta’t nariyan ang pamilya mong tutulong sa iyo at kasama mong mamamatay sa hirap, kayang pagtiisan ang piyudalismo. Halimbawa ang kuwentong ito ng pagtatagpo ng piyudalismo at tradisyunal na pagpapahalaga sa pamilya. Ang kapalit ng pag-asa’y sariling dugo. At kung hindi mo kayang ibuwis ito’y magtiis na lamang sa piyudalismo. At walang takas ang magsasaka sa piyudalismo lalong-lalo na kung isasaalang-alang ang kakulangan ng isang programang komprehensibo para sa ikababago ang kalagayan ng mga magsasaka. Tulad ni Felipe, itinatapon lang sa kawalan ang mga magsasaka sa kung ano-anong programa, tulad ng homestead program noon at sa agrarian reform ngayon. Sa ganitong dalawang interpretasyon gumuguho't tumatayo ang maikling kuwento. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento