Miyerkules, Enero 4, 2012

Mariang Makiling ni Eli Ang Barroso


Barroso, Eli Ang, “Mariang Makiling,” Filipinos Writing: Philippine Literature From the Regions, pat. Bienvenido Lumbera. Pasig City: Anvil Publishing Inc., 2001, p. 226-237.

Mula pa lamang sa pamagat ay mahuhulaan nang ginagamit ng kuwento ang alamat ni Maria Makiling. Ang kuwento ay tungkol kay Soseng, isang batang taga-Bae. Gumising siya isang araw at sinabi niya sa kanyang ina na, “Hahanapin ko lang ang pinagmulan ng liwanag at ng hangin.”[1] Nang makarating si Soseng sa isang talampas ay nagpakita sa kanya si Mariang Makiling upang pagsabihan ang buong bayan ng Bae ang kanilang pagkakautang at ang tanging kabayaran sa utang na ito ay ang pagpapatayo ng kapilya sa talamapas na iyon. Ipinagsigawan ito ni Soseng sa buong bayan ngunit walang naniwala sa kanya. Hindi naniwala ang mga batang nakasalubong niya sa daan dahil taga-Ibayo siya. Hindi naniwala ang mga mamamayan sa kanya dahil baka nasisiraan na siya ng bait. At lalo nang hindi naniwala ang kura dahil salungat sa turo ng Simbahang Katolika ang sinasabi ni Soseng na si Mariang Makiling ang ina ni Hesus. Ngunit sinabi rin ng pari na kailangan ng himala upang maging kapanipaniwala ang sinasabi niya kaya’t hinanap ulit ni Soseng si Mariang Makiling at humingi ng himala. Sa mga sandaling iyon na kinakausap ni Soseng si Mariang Makiling ay nagpakita si Normeng, isang batang babaeng namumuno sa mga batang nakasalubong ni Soseng nang unang magpakita si Mariang Makiling. Inutusan ni Mariang Makiling na ihulog si Normeng sa talampas. Pinatay ni Soseng si Normeng upang si Normeng ay gawing anghel ni Mariang Makiling. Nasaksihan ni Soseng ang pagiging anghel ni Normeng sa tulong ng kapangyarihan ni Mariang Makiling. Dahil sa pagpatay na ito ni Soseng, lalong nakumbinsi ang mga mamamayan ng Bae na tunay ngang nasiraan na ng bait si Soseng. Hinarap ng taumbayan ng Bae si Soseng at tinangkang hulihin dahil sa pagpatay na ginawa niya. Ngunit hindi nagbagong-loob si Soseng sa kanyang paniniwala. Ngunit sa gitna ng pakikipagharap niya sa taumbayan ay nagpakita ang ina ni Soseng na matagal nang patay at sa sidhi ng mga pangyayari sa pagdating nito’y tumalon si Soseng mula sa talampas.

Sa kuwentong ito, nilalagay sa alanganin ang mambabasa dahil hindi nakasisigurado kung tunay nga bang nakita ni Soseng si Mariang Makiling o talaga nga bang nababaliw lamang siya. Mahirap sabihing nababaliw lamang siya dahil lubhang napakatatag ng kanyang paniniwalang nagpakita sa kanya si Mariang Makiling. Ngunit dahil hindi nakikita ng ibang mga taga-Bae si Mariang Makiling, mahirap ding lubusang paniwalaan ang mga naririnig at nakikita ni Soseng, ang pangunahing kamalayan (central consciousness) na sinusundan ng kuwento at lumilikha ito ng unreliability. Sa kuwentong ito, dalawang realidad ang nagtutunggali: 1) ang realidad ni Soseng at ng kanyang mistikal na karanasan at 2) ang realidad na ginagalawan at pinaniniwalaan ng mga mamamayan ng Bae.

At hindi kakaiba ang kawalang-kasiguraduhang ito para sa mga akdang fantastiko. Ani nga ni Rosemary Jackson, ang fantasya ay “anti-rational, it is the inverse side of reason’s orthodoxy. It reveals reason and reality to be arbitrary, shifting constructs, and thereby scrutinizes the category of the ‘real.’”[2] Dito sa kuwento maaaring sabihing literal na fantasya lamang ang nakikita at nararanasan ni Soseng, ngunit may malinaw itong epekto sa mundong kanyang ginagalawan. Sa kuwentong ito, binubulabog ni Soseng ang mundo’t pang-araw-araw na buhay ng mga taga-Bae. Tumitiwalag siya sa kaayusang pinaniniwalaan at sinusunod ng mga tao. Pilit niyang iniiwasan ang paglalasing at tuwirang panggagaya sa iba pang karaniwang ginagawa ng mga kalalakihan. Iniiwasan niya ang basta-bastang pakikibarkada o pakikisasama ng mga batang sumusunod kay Normeng, mga batang parang isang ‘gang’ kung umasta. Maging ang kaayusan ng teolohiya ng Simbahang Katolika ay kanyang tinataliwas dahil sa kanyang mistikal na karanasan nang magpakita sa kanyang si Mariang Makiling.

Ngunit ano ang dahilan ng pambubulabog na ito ni Soseng? Makikita ito sa ilang piling kataga sa loob ng kuwento. Sa simula ay nagpaalam si Soseng sa kanyang ina upang hanapin ang pinagmumulan ng liwanag at hangin.[3] Isa itong kakaibang kadahilanan para sa isang simpleng paglalakad. Kaya’t mahihinuhang ang paglalakbay ni Soseng sa mga tahanan, bakuran, bukirin at hanggang sa talampas ay hindi lamang isang pisikal na paglalakbay kundi isa ring relihiyoso at metapisikal na paglalakbay. At kinakatawan ni Mariang Makiling ang mahiwagang kapangyarihan ng kalikasan. Sabi nga niya nang maghanap sa kanya si Soseng ng himala,

Ang umaga at gabi sa Bae, ang dagat at mga bundok sa Bae, kahit na ang pinakamaliliit na bulaklak sa mga parang at ang pinakapinong buhangin sa dalampasigan ng Bae—ang lahat ng mga ito ay himala ko.[4]

At ang mga himalang ito ni Mariang Makiling ay hindi nababatid ng mga taga-Bae kaya’t kinailangang ipaalam muli ni Soseng. Sa panahong naging alamat na lamang si Mariang Makiling at hindi na tinitingala bilang diwata o diyosa, naiisantabi ang dating malawakang paniniwala bago ang pagdating ng Katolisismo. At ang kawalang ugnayang ito ng tao sa kalikasan ang binigyang-pansin ni Resil Mojares sa kanyang pagpansin sa bersiyon ni Jose Rizal ng alamat ni Mariang Makiling.[5] At makikita ang ibang sensibilidad ni Soseng nang yayain siya ng kanyang ama na mag-inom ngunit binalewala lamang ito ni Soseng. Pinili na lamang ni Soseng na ipagpatuloy na hanapin “ang pinagmulan ng liwanag at hangin,” isang pagtalikod sa makamundong buhay na babad ang nakararaming tao.  

Ang pagharap ni Soseng kay Mariang Makiling ay nagbigay sa kanya ng “tindi ng araw at sidhi ng hangin.”[6] Higit na matalas ang pagpansin ni Soseng sa mga halaman nang ibinalita niya sa kanyang mga kababayan ang mensahe ni Mariang Makiling. Ngunit ang init ng araw at sidhi ng hanging naramdaman ni Soseng ay maaaring maging init na lumalagablab na maaaring makakapaso o kaya’y makasunog. At itong dalawang mukha ng kalikasan na mapag-aruga at mapanlikha ay may kaakibat na kapangyarihang mapangwasak at makikita ito sa pagpatay ni Soseng kay Normeng. Sa pagpatay niya kay Normeng, nagbagong-anyo si Normeng at naging anghel. Itong transformasyong ito mula sa isang katawang tao tungo sa pag-iral na higit na trancendent ay kinakailangang makamit sa isang marahas na pag-aalay ng katawan. Kaya’t nang tumalon si Soseng mula sa talampas, inaasahan niyang magbabagong-anyo siya upang maging anghel. Ngunit hindi siya naging anghel at namatay siya sa mga batuhan sa ibaba ng talampas. Hindi sinasabi ng kuwento kung naging anghel nga ba si Soseng pagkatapos mamatay sa batuhan. Ngunit malinaw na ang kanyang mistikal na pakikipagtagpo kay Mariang Makiling ay nagdulot ng pagkasira kay Soseng. Hindi niya nakayanan ang trancendence na kanyang naranasan.


[1] Ibid. p. 227.
[2] Jackson, Fantasy. p. 21.
[3] Barroso, “Mariang Makiling.” p. 227.
[4] Ibid. p. 233.
[5] Resil B. Mojares, “Waiting for Mariang Makiling,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History, (Quezon City: Ateneo de Manila University, 2002), p. 1-19.
[6] Barroso, “Mariang Makiling.” p. 229.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento