Biyernes, Pebrero 3, 2012

May Landas ang mga Bituin ni Macario Pineda

Pineda, Macario, “May Landas ang mga Bituin.” Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento, Soledad S. Reyes pat. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990, p. 188-196.

Kung ang relasyong piyudal at kolonyal ang pinag-uugatan ng diskurso ng pagmumulto’t mga kaluluwa sa “Paniningil ng Alila”, digmaan naman ang ugat ng fantasya ng “May Landas ang mga Bituin” ni Macario Pineda.[1]

Tungkol ang kuwento sa paglalakbay ng kaluluwa ng dalawang sundalo, isa’y Filipino at ang isa’y Hapon, na namatay sa isang engkuwentro noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Magsisimula ang kuwento sa labanan nina Okamoto Tani at Juan Mendoza sa isang bahagi ng kagubatan ng Bulacan at ang kanilang pagkamatay sa engkwentrong ito. At sa kanilang pagkamatay, makikilala ng kanilang kaluluwa ang isa’t isa, Beta ang pangalan ng kaluluwa ni Juan Mendoza at Delta naman ang kay Okamoto Tani. Mula sa kanilang pagkamatay, magkasamang maglalakbay ang dalawang kaluluwa. Magtutungo ang dalawang kaluluwa sa bayan ng Bigaa, ang pinanggalingang bayan ni Juan Mendoza. Pakikinggan ng mga kaluluwa ang usap-usapan ng mga kababayan ni Juan Mendoza tungkol kay Juan Mendoza at sa digmaan. Tutuloy naman ang mga kaluluwa sa asawa’t anak na iniwan ni Juan Mendoza. Sa pagdalaw nila sa pamilyang ni Juan Mendoza, malinaw na ang isang sana’y buong pamilya ay mangungulila sa asawa’t ama. Sa pagbisita nila sa dalawang lugar na ito, mababagabag ang dalawang kaluluwa sa naging buhay nila sa mundo at hinanap nila si Matandang Tao upang kausapin tungkol sa katotohanan ng kanilang naging buhay.

Sa pagbibigay-pansin sa kaluluwa ng dalawang sundalo, dinadala ang mambabasa sa higit na espiritwal na antas labas sa pisikal na realidad. At itinatambal ang dalawang magkaiba bagaman magkaugnay na mundo sa kabuuan ng kuwento. Ang dalawang mundo, ang pisikal na mundo at ang espiritwal na mundo, ay may sariling mga katotohanan at realidad na dapat harapin. Sa pisikal na mundo, ang karupukan at temporalidad ng buhay ang nangungunang katotohanan na kinakaharap ng mga nabubuhay. Kaya’t sa pakikinig ng mga kaluluwa sa mga kababayan ni Juan Mendoza, hindi kataka-taka na marami sa mga taong naroon sa pagupitan ay may praktikal na pagkiling tungkol sa buhay. Pinagtatawanan ng ilan sa mga tao doon ang ginawang pagpili ni Juan Mendoza na pagsali sa kilusang guerilla at lumaba’t ipagtanggol ang bansa dahil, kumpara sa isang kakilala nilang yumayaman sa smuggling dulot ng kaguluhan ng digmaan, walang perang kikitain sa pagiging sundalo. Sa mundo ng mga nabubuhay, ang paghahanap ng materyal na kaginhawaan ang binibigyan ng halaga.

Iba ang mundo ng mga nabubuhay kumpara sa mundo ng mga kaluluwa. Nang kausapin ng mga kaluluwa si Matandang Tao, lalantad ang pinagkaiba ng mundo ng mga nabubuhay sa mundo ng mga kaluluwa. Makikita ito sa sagot ni Matandang Tao nang tanungin ng mga kaluluwa kung may kasalanan sina Juan Mendoza at Okamoto Tani nang sila’y mamatay:

O mga kapatid ko, ang kasalanan nila ay pagkakasalang isang daigdiging hindi makaunawa ng isang dakilang katotohanan: iisa ang Lumikha, iisa ang kalupaan, iisa ang sangkatauhan. Walang itinanging bansa sa mundo. Magkakapatid ang mga nilikha.[2]

Sa mundo ng mga kaluluwa, nakawala na ang tao mula sa mga limitasyon at pagkakahong kanyang naranasan nang nabubuhay pa ito. At sa mundong ito ng mga kaluluwa ay naiigpawan na ang uri, lahi at nasyonalidad at imbes ay nagtutungo sa higit na unibersal at ideal na antas. Ngunit dahil hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang unibersal at ideal ng pagkakabuklod. Kaya’t sumisiklab pa rin nag mga digmaan at mga labanan. Ngunit umaaasa pa rin si Matandang Tao sa kakayahan ng taong makamit ang ideal na ito tulad ng paniniwala ni Platon na makakawala ang taong nakulong sa yungib tungo sa liwanag.[3] Ani Matandang Tao, “Sa kabila ng walang-pangalang dalamhating tiniis ng sangkatauhan sa loob ng libo-libong mga taon ay nakauusad din ang tao.”[4]



[1] Macario Pineda, “May Landas ang mga Bituin,” Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento, Soledad S. Reyes pat. (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990), p. 188-196.
[2] Pineda, “May Landas ang mga Bituin.” p. 195.
[3] Mababasa ang alegorya ng yungib sa Ika-7 Aklat ng Plato, Republic, trans. Benjamin Jowett (New York City: Barnes and Noble Classics, 2004), p. 224-231.
[4] Pineda, “May Landas ang mga Bituin.” p. 196.

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento