Sabado, Disyembre 10, 2011

Paniningil ng Alila ni Salvador R. Barros


Barros, Salvador R., “Paniningil ng Alila,” Mga Kuwentong Ginto. Alejandro G. Abadilla, pat. Manila: Cavite Pub., 1935, p. 12-16.

Noong taong 1935, tinipon at nilathala ni Alejandro G. Abadilla ang dalawampung maikling kuwento na kanyang pinaniniwalaang natatangi sa mga taong 1925 hanggang 1935. Isa sa mga kuwentong ito ang “Paniningil ng Alila” ni Salvador R. Barros.  Isa itong kuwento ng pagmumulto.

Tungkol ang kuwento sa isang bahay na bato sa Bayan ng B sa lalawigan ng L noong panahon ng mga Kastila. Ang huling tumira sa bahay na ito ay si Don Diego Almirañez at ang kanyang alilang si Fermin. Nahahati ang kuwento sa limang bahagi. Ang unang bahagi ay nagsisilbing panimula at paglalahad ng relasyon ni Don Diego at Fermin. Mainitin ang ulo ni Don Diego at madalas niyang pinagbubuhatan ng kamay si Fermin. Madalas na makita ng mga mamamayan ng bayan ng B na puno ng pasa ang mukha. Sa ikalawang bahagi, isinasalaysay ang pag-alis ni Fermin isang gabi mula sa bahay na bato. Nagtaka ang mga tao sa biglaang pag-alis ni Fermin. Sa ikatlong bahagi naman kuwento isinasalaysay ang simula ng pagmumulto sa bahay na bato ni Don Diego. Nagmumulto ang bahay na bato ngunit hindi pa rin pumapanaog si Don Diego. Natakot ang mga mamamayan ng bayan ng B ngunit naintriga rin sa kakaibang pangyayari sa bahay na bato kaya’t sa ikaapat na bahagi ng kuwento ay isinasalaysay ang pagpasok ng isang lalaking tagabayan ng B upang alamin ang kababalaghang nangyayari sa loob ng bahay na bato. Makakausap ng taong ito ang multo na nagpakilalang kaluluwa ni Don Diego at ipinaalam ng multo sa lalaki ang pagpaslang na naganap noong araw na umalis si Fermin. At sa ikalimang bahagi ng kuwento ay matatagpuan ang katawan ni Don Diego kung saan itinuro ng multo, sa kisame ng bahay na bato.

Mula sa punto de bista ng taumbayan ang ginagamit ng kuwento at mahalaga ito para sa pag-unawa sa katangian ng pagmumulto. Ang bahay na bato ni Don Diego ay isang pambihirang lugar para sa taumbayan ng B bago pa man magsimula ang pagmumulto ng kuwento. Nababalutan na ang mga pader na pumabalibot sa bahay na bato ng lumot at baging at napapalibutan ng mga malalaking puno. Gayun din, palaging nakapinid ang mga bintana’t pinto ng bahay na bato at kakaunti lamang ang nalalaman ng taumbayan tungkol kay Don Diego sa limang taon ng kanyang paninirahan sa bahay na bato at sa bayan ng B. Ang tangi lamang na alam ng taumbayan tungkol kay Don Diego ay dulot sa mga sigawang nanggagaling sa loob ng bahay na bato—ang mga panlalait ni Don Diego habang binubugbog si Fermin.

Nang umalis si Fermin at magsimulang magmulto sa bahay na bato, kapansin-pansin ang pagbabago sa kamalayan ng taumbayan ng B. Para sa taumbayan, parang walang pagbabago sa bahay na bato. “Ang tahanang naliigid ng pader ay walang kailawilaw at nakapinid ang mga bintana.” (p. 13) Ngunit napuno agad ng takot ang mga kapitbahay ng bahay na bato nang marinig ang mga ingay na nagmumula sa loob ng tahanan. Mga kalabog ng mga kasangkapan at pagkalansing at pagbaligbag ng kadena. Mula sa pagiging pambihirang lugar na laman ng tsismis at usap-usapan, ang bahay na bato ay naging isang mahiwagang lugar na kinatatakutan. Ang imahen ng bahay na bato ay naging bahagi na ng kamalayan ng taumbayan, sa conscious man o subconscious na antas.

Sa kuwento, ang taumbayan ang minulto. Mababasa ito bilang sintomas ng kanilang pagkakasangkot sa relasyong amo-alila nina Don Diego at Fermin. Ito ay representasyon ng pagwawalang bahalang ipinakita nila sa mga pangyayari sa loob ng bahay na bato. Ang taumbayan ay nakuntento na lamang sa pakikinig sa pambubugbog at pagbibigay ng awa. Ngunit wala silang ibinigay na tunay na tulong para kay Fermin. Si Fermin, sa kanyang pagpatay kay Don Diego, ang gumawa ng paraan upang iligtas ang kanyang sarili.

Isa rin itong representasyon ng patuloy na pagkahumaling ng taumbayan sa kapangyarihan ni Don Diego. Bagaman hindi ipinapakita ng kuwento ang ekonomikal na relasyon ng taumbayan kay Don Diego, malinaw na may mataas na katayuan si Don Diego dahil sa kanyang pagiging Kastila. Kaya’t naihihiwalay ni Don Diego ang kanyang sarili mula sa taumbayan bagaman nananatiling mahalagang bahagi nito sa pamamagitan ng paghuli ng imahenasyon ng taumbayan. At nagawa pa rin niyang gambalain ang taumbayan ng B mula sa kabilang buhay dahil sa kakaibang katayuan niya sa bayan. Ang kanyang bahay na bato, ang simbolo ng kanyang kapangyarihan, ay naging isang tunay na katakot-takot na lugar para sa taumbayan. Imbes na mapalaya ang taumbayan sa kanyang pagkamatay, nanatili kung hindi man lalong naging makapangyarihan si Don Diego sa taumbayan ng B.

Kaya’t mahalaga ang pagtatagpo ng taumbayan at ng multo ni Don Diego. Sa kainitan ng pagmumulto, isa sa mga babaeng nasa labas ng bahay na bato ay nahimitay. At nang tanungin ng kapitan ng bayan kung sino ang maglalakas-loob na pasukin ang bahay na bato, hindi nag-atubili ang asawa ng babaeng nahimatay na pasukin ang bahay na bato bagaman kinailangan niyang uminom ng kaunting alak. Bagaman katawa-tawa ang eksenang ito sa kuwento imbes na katakot-takot, maaari ring basahin ang pagharap na ito ng lalaki (bilang representante ng taumbayan) at ng multo ni Don Diego. Sa pagkahimatay ng kanyang asawa, natauhan ang lalaki sa matinding impluwensiya’t kapangyarihan ng pagmumulto at kinailangan niya itong harapin.

Kasabay ng literal na pakikipagharap sa multo, isa rin itong simbolikong pagharap ng taumbayan sa mahiwagang bahay at sa taong naninirahan dito. Hinaharap din ng taumbayan ang takot na dulot ng kawalang-alam tungkol sa tunay na kalagayan sa loob ng bahay na batong binigyan ng kanilang guniguni ng matinding kapangyarihan. Kaya’t nang pinasok na ang bahay na bato, isang bangkay ang kanilang natagpuan sa ibabaw ng kisame. Ang pinagmumulan ng kanilang takot ay naaagnas na’t nilalangaw. Kahit patay na ang kapangyarihang piyudal, nananatili pa rin ang kapangyarihan nitong pangibabawan ang kamalayan ng taong bayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento