Biyernes, Disyembre 16, 2011

Mga Kuwentong Kapos ni Jun Cruz Reyes


Reyes, Jun Cruz, "Mga Kuwentong Kapos," Utos ng Hari at Iba Pang Kuwento. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, Ikalawang Edisyon, 2002, p. 85-102.


(Sa sanaysay na ito, tinangka kong unawain ang pananaw ni Fredric Jameson tungkol sa postmodernismo at ilapat ito sa aking pagbasa ng "Mga Kuwentong Kapos" ni Jun Cruz Reyes.)

Postmodernong Kakapusan: Ang Postmodernismo ni Fredric Jameson at ang “Mga Kuwentong Kapos” ni Jun Cruz Reyes

Para kay Fredric Jameson, sa kanyang “Postmodernism and Consumer Society,”[1] mahirap bigyang kahulugan ang “Postmodernism.” Ngunit nagbigay siya ng isang kabatiran:

“...first, most of the postmodernisms... emerge as specific reactions against  the established forms of high modernism, against this or that high modernism which conquered the university, the museum, the art gallery network, and the foundations.”[2]

[...una, karamihan ng mga postmodernismo... ay lumitaw bilang isang reaksiyon laban sa mga naitatag na mga anyo ng high modernism, laban sa ganito’t ganoong high modernism na tinanggap ng pamantasan, ng museo, ng art gallery network, at ng mga foundations.]

Kaya’t kagaya ng ginawa ng modernismo bilang sagot sa mga mapanikil na pamantayan ng kanilang lipunan, naging sagot ang postmodernismo sa mga paninindigan ng modernismo. Ngunit inaamin ni Jameson na mahirap pa ring bigyang-kahulugan kung ano nga ba ang postmodernismo dahil mga “local” o partikular na reaksiyon ang mga ito sa modernismo at hindi isang malawakang kilusan.

Bukod pa rito, nabatid rin ni Jameson ang isa pang katangian ng postmoderno:

“...postmodernisms is the effacement in it of some key bounderies or separations, most notably the erosion of the older distinction between high culture and so-called mass or popular culture.”[3]

[...napapaloob sa mga postmodernismo ang pagbubuwag ng ilang mahahalagang hangganan o paghihiwalay, lalo na ang pagbubura ng lumang pagkahiwalay ng high culture at ng sinasabing kulturang masa o popular.]

Hindi lamang ito, binubura na rin ng postmodernismo ang mga paghihiwalay ng mga genre at ng disiplina sa loob ng pamantasan. At bilang halimbawa, binigyang pansin ni Jameson ang teoriyang nabuo sa Pransiya, kagaya ng mga pag-aaral ni Michel Foucoult, isang uri ng teoriyang mahirap ikahon. Pilosopiya ba iyon? Baka naman araling panlipunan? Di kaya kasaysayan?

Kaya kung titingnan ang kuwentong “Mga Kuwentong Kapos” ni Jun Cruz Reyes,[4] mapapansin ang mga batid na ito ni Jameson sa mga katangian ng kuwento. Isang sagot ang kuwento sa ating nakagisnang uri ng “maikling kuwento.” Binubuo ng apat na magkakaibang mga vignettes, tumataliwas ang ganitong anyo ng isang kuwentong may iisang banghay. Kaya’t nagiging “malabo” rin kung saan ilalagay ang kuwento, isa ba itong kuwentong likhang isip o isang sanaysay ng isang manunulat? Maitatanong ito dahil sa simula at pagtatapos ng akda, ipinapakita ang kamalayan ng tagapagsalaysay bilang isang manunulat. Ito rin kaya si Jun Cruz Reyes o isa lamang likhang persona? Ngunit hindi lamang ang dalawang nabanggit na kabatiran ni Jameson ang katangian ng postmoderno. Nagbanggit din siya ng mas partikular na katangian na maaaring kakitaan sa “Mga Kuwentong Kapos.”

Isang mahalagang katangian at gawain ng postmoderno ay ang pastiche.[5] Inihahawig ito ni Jameson sa parody. Ayon sa kanya, isang mahalagang katangian ng high modernism ay ang paglikha ng mga anyo at estilo na kakikitaan ng indibidwalidad ng isang manunulat. Ang parody ay isang panggagayang may bahid ng pangungutya at pagpapatawa. Ngunit ang pastiche ay isang panggagayang walang pangungutya o pagpapatawang ginagawa.

Sa “Mga Kuwentong Kapos,” mahirap kakitaan ng katangiang pastiche ang kuwento kung walang paghahambingan o reference. Ngunit, para sa akin, pinatatamaan nito ang iba’t ibang mga kuwentong nagtataguyod ng pagbabago sa lipunan, mga “socially conscious” na kuwento. Lahat ng mga vignettes ng kuwento ay umiikot sa karanasan ng tagapagsalaysay tungkol sa kahirapan ng mga taong nakilala niya. Ngunit imbes na maging lantarang simpatya sa mga tauhang nakilala ng tagapagsalaysay, imbes na tulungan sila sa kanilang problema, nagiging bahagi na lamang sila ng kanyang mga proyektong kuwento. Binibigyang pansin ng akda ang kakulangan ng manunulat sa kakayahan nitong baguhin ang lipunan. Maaari itong gawing katawa-tawa, gawing parody. At bagaman mayroong mga nakakatawang mga pasintabi ang tagapagsalaysay tungkol sa mga nangyari sa kanya, ang kuwento’y may isang mabigat at seryosong pag-unawa at pagpuna sa kalagayan ng manunulat sa lipunan.

Ang isa pang katangian ng mga postmodernong akda ang tinatawag ni Jameson na “death of the subject.”[6] Kakikitaan sa mga postmodernong akda ng kawalan ng iisang indibidwal na paksa. Kaya’t kung hindi man maraming mga indibidwal ang pinapaksa ng mga postmodernong akda, ang kawalan ng paksa ang mismong paksa ng mga postmoderno.

At ang paghahanap ng paksa ang kabuuang pakay ng tagapagsalaysay ng “Mga Kuwentong Kapos.” May mga malilinaw na mga tao na maaaring maging batayan sa paglikha ng mga kuwento ngunit palaging may nakikitang pagkukulang ang tagapagsalaysay sa mga kuwentong nais niyang sulatin mula sa mga inspirasyong ito. Ito bang “death of the subject” ang pagkukulang na nararamdaman ng tagapagsalaysay? Bagaman may malinaw at konkretong karanasan ang tagapagsalaysay sa kanyang paksa o gustong paksain, nagkakaroon pa rin pagkukulang dahil sa mismong pagiging indibidwal ng tagapagsalaysay. Lubos nga ba talaga niyang nauunawaan ang karanasan ng gusto niyang paksain? Sa isang eksena sa isang sinehan sa Tondo, nakausap ng tagapagsalaysay ang isang inaakala niyang lumpen. Kakaiba ang pagkakakilala nila sa isa’t isa kaya’t nabanggit ng tagapagsalaysay na “weird” ang kanilang pagkikita. Hindi naman naintindihan ng nakilala kung ano ang ibig sabihin ng salitang “weird.” Sa sobrang paglikha ng isang indibidwal, nawawalan na ng isang ugnayang makatao o “humanistic” sa pagitan ng mga tao. Nagiging praktikal na ugnayan na lamang ang nalilikha, kung ano ang makukuha natin sa pakikipag-ugnayan ang batayan ng halaga ng mga relasyon. Ang mismong ugnayan natin sa iba ay nagbago na, isang konsumerismong pakikipag-ugnayan. Kaya’t hindi kataka-takang nagbago na rin ang pag-unawa at pagkilala sa paksa.

Nagbigay pa si Jameson ng isang pang katangian ng postmoderno sa tinatawag na “nostalgia mode.”[7] May nostalgia ang mga postmodernong akda para sa mga naglaho nang mga anyo. Binanggit ni Jameson ang sci-fi serials sa mga pahayagan na naging popular noong 1930’s hanggang 1950’s bilang halimbawa ng naglahong anyo at ang mga pelikula ng Star Wars bilang isang tekstong may malinaw na nostalgia sa lumipas na formang ito ng sci-fi serials. Dagdag ni Jameson, ang nostalgia na ito ay hindi isang pagbabalik-tanaw sa isang partikular na panahon kundi isang pagbabalik sa karanasan ng isang partikular na panahon. Dito pumapasok ang pagka-pastiche ng nostalgia mode dahil ginagaya nito ang nakalipas na mga karanasan o mga anyo[8] ng mga nakalipas na panahon.

At ano naman kaya ang nostalgia ng “Mga Kuwentong Kapos”? Sa aking pagbasa, ito’y ang pagnanais na bumalik sa kasiguraduhan at pagtatapos, sa buhay at maging sa panitikan. Pilit na binabalikwas ng tagapagsalaysay sa kanyang alaala ng iba’t ibang mga karanasan, eksena’t pagtatagpo upang makahanap ng kahulugan at makatungtong sa isang katapusan. Ngunit nakalipas na ang kasiguraduhan ng nakaraang panahon. Hindi na malinaw kung ano o sino ang masama, kung sino-sino ang tunay na mahirap at mayaman, o kung ano tunay na katangian ng mga pangarap. Wala nang kasiguraduhan kaya’t mahirap makahanap ng katapusan. Nananatiling kapos ang lahat.

Ang huling mababatid ni James na katangian ng postmodernismo ang pagiging produkto na kinukonsumo ng sining, na ang dating high modernism na mapanghimagsik, kakaiba at orihinal ay naging pangkaraniwan na lamang.[9] Ang sekswalidad nina D.H. Lawrence, na unang tiningnan ang kanyang ilang gawa bilang pornograpiya, hanggang sa kalito-litong stream-of-consciousness nina James Joyce, William Faulkner, at Virginia Woolf ay mga pangkaraniwang mga karanasan sa mundo ng panitikan. Bagaman nanatili ang “indibidwalidad” ng mga estilo’t anyo ng mga high modernists, nagiging malabnaw na ang indibidwalidad na ito dahil sa konsumerismong nagpapagalaw sa ating lipunan.

Kaya’t hindi kataka-taka na bagaman may bahid ng lungkot ang mga vignettes ng “Mga Kuwentong Kapos,” nananatiling kapos ang karanasan ko ng kalungkutang ito habang binabasa ang kuwento. Dahil sa bawat pagkonsumo ng iba’t ibang uri’t antas na kalungkutan, nagiging kapos ang pagkatao.


[1] Fredric Jameson, “Postmodernism and Consumer Society,” sa Vincent B. Leitch, Ed., The Norton Anthology of Theory and Criticism (New York: W. W. Norton and Company, 2001) p. 1960-1974
[2] Ibid. p. 1961
[3] Ibid.
[4] Jun Cruz Reyes, Utos ng Hari at Iba pang mga Kuwento (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002) p. 85-102
[5] Jameson, “Postmodernism and Consumer Society,” p. 1962-1963
[6] Ibid. p. 1964-65
[7] Ibid. p. 1965-1967
[8] Ayon sa mga Russian Formalists, mahalaga ang anyo o forma sa “perception” o pagdanas sa iba’t ibang uri ng panitikan. Para sa mga Russian Formalist, hindi maihihiwalay ang anyo at nilalaman kundi mahalaga ang pagsasama ng dalawang ito. Para sa higit na malinaw at malalim na pagtalakay nito, maaaring sanggunian ang sanaysay ni Boris Eichenbaum na pinamagatang The Theory of the “Formal Method”
[9] Jameson, “Postmodernism and Consumer Society,” p. 1972-1974

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento