Pineda, Macario, "Talambuhay ng Aming Nayon," Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento. Isinaayos at binigyan ng introduksiyon ni Soledad Reyes. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1990, p. 63-77.
(Isa itong sanaysay na isinulat ko noong nagsisimula pa lang ako sa MA Panitikang Filipino noong 2006. Kaya paumanhin kung medyo pilit ang pagsusuri. Dito, ipinagtatambal ko ang pagbasa ng ilang sipi mula sa aklat ni Baudelaire at ang pagbasa ng maikling kuwento ni Pineda. Nagsisimula pa lang talaga ako noon sa kritikal na pagbabasa. Baka basahin ko ulit itong kuwentong ito.
Mainam ding banggitin na sa antholohiya na nilathala ng UP Press, ang "Paano Magbasa ng Panitikang Filipino," nakalagay ang akdang ito sa seksiyong "sanaysay" at hindi maikling kuwento. Kakatwa lang na mainam na pag-isipan.)
Mainam ding banggitin na sa antholohiya na nilathala ng UP Press, ang "Paano Magbasa ng Panitikang Filipino," nakalagay ang akdang ito sa seksiyong "sanaysay" at hindi maikling kuwento. Kakatwa lang na mainam na pag-isipan.)
Ang Moderno sa Nayon: Modernidad ni
Charles Baudelaire at ang kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon” ni Macario
Pineda
Ayon sa “The Painter of Modern Life”
ni Charles Baudelaire[1]:
“Beauty is made up of an eternal, invariable element, whose quantity it is excessively difficult to determine, and of a relative, circumstantial element, which will be,... ...the age, its fashions, its morals, its emotions.”[2]
[Binubuo ang kagandahan ng isang eternal at di-nagbabagong elementong napakahirap sukatin, at isang relatibo’t nagbabagong elementong nakabatay sa panahon, sa kani-kanilang panlasa, moralidad at emosyon.]
At bagaman
binubuo ng dalawang elementong ito ang kagandahan, buo ang pagdanas natin ng
kagandahang ito. Ganito ang pagtingin kay Baudelaire sa kagandahan bilang isang
pagbatikos sa labis na pagbibigay pansin sa sining na nalikha noong mga
nakalipas na panahon habang binabalewala ang mga likhang sining sa kanyang
kasalukuyang panahon. Kaya’t binigyang pansin ni Baudelaire ang pangalawang
elemento ng kagandahan sa kanyang pagtataguyod sa “modernidad”. Para kay
Baudelaire, ang pag-unawa at pagbibigay-buhay gamit ng sining ng mga kaugalian
at partikularidad kanyang panahon matatagpuan ang tunay na henyo ng isang
artista.
Sa kontekstong Filipino, hindi ang
nayon kundi ang siyudad ang pinagluluklukan ng ating pag-unawa sa
“moderno”. Ngunit bakit kinakikitaan ng
mga aspektong “moderno” ang mga kuwento ni Macario Pineda? Isang nayon ang
pangunahing tagpuan, maaaring tingnan na rin bilang tauhan, sa maikling
kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon”[3]
ni Macario Pineda. Paulit-ulit lamang daw ang buhay sa nayong ito ayon sa
tagapagsalaysay ng kuwento. May moderno ba sa nayon ni Pineda? Ito ang gusto
kong masagot gamit ang sanaysay ni Baudelaire.
Para kay Baudelaire, ang isang artista ay
isang flaneur na may kakayahang magmasid. Bagaman tamad ang
pagkakatingin sa mga flaneur, nasa kanila ang kakayahang magmasid sa
kaugalian, gawi, panlasa, at paniniwala ng balana.
Mahihinuha ang ganitong katangian ng
flaneur sa tagapagsalaysay ng “Talambuhay ng Aming Nayon”. Bahagi siya
ng pangkalahatang kamalayan ng nayon ngunit lampas pa dito. May isang
mahiwagang pag-unawa ang tagapagsalaysay sa buhay ng nayon. Mula sa mga
kapanganakan, pag-iibigan, kamatayan, at iba pang-araw-araw na gawain,
nagbibigay ng isang pananaw sa buhay ang tagapagsalaysay at di lamang sa nayon.
Sinasalaysay niya ang pang-araw-araw na buhay ng nayon habang sinisingitan ng
mga partikular na anekdota ang kabuuang kuwento. Katatagpuan ng lungkat at
tuwa, hindi ibig sabihin nito’y nakikiramay ang tagapagsalaysay sa buhay ng mga
taganayon. Ayon sa introduksiyon ni Soledad Reyes para sa kalipunang isinaayos
niya, “Tanging ang tinig lamang ng persona ang kakikitaan ng protesta at
malaking panghihinayang sa harap ng pagtanggap ng mga tao sa ideolohiyang
sumisiil sa kanilang buhay.”[4]
Kaya’t hindi lamang ang pagiging flaneur
ang hinihingi ni Baudelaire para sa artista kundi kakayahang umunawa. At nagagamit ng artista
ang pag-unawa sa kamalayang ito sa kanyang sining. Ang pag-unawang ito ang
nagbibigay-laman sa pangalawang elemento ng kagandahan, isang kagandahang
kakikitaan ng modernidad.
Maaaring bumalik sa tanong, may
moderno ba sa “Talambuhay ng Aming Nayon”? Maaaring sabihing pastoral ang
kuwento. Ngunit kung titingnan ang pagkakaunawa ni Baudelaire sa moderno at ang
pananaw sa buhay ng tagapagsalaysay, maaaring sabihing kakikitaan ng isang
modernong pag-unawa at sensibilidad ang kuwento. Kagaya nga ng sinabi ni
Soledad Reyes sa kanyang intoduksiyon, kritikal ang tagapagsalaysay sa kawalan
ng pinatutunguhan ng nayon.[5]
Nauunawan ng tagapagsalaysay ang buhay sa nayon. Isa iyong walang tigil na
siklo ng pagkabuhay at pagkamatay kung saan ang mga partikular na karanasan ng
isang indibidwal ay lumilipas at nakakalimutan, kagaya ng kabaitan ni Ka Huli
tuwing bagyo, dahil sa walang humpay na puwersa ng pananalig sa kabutihan ng
kalikasan at ng nayon. Hindi kailangang nakikiramay ang isang pintor ng modernidad
sa kanyang panahon. Kailangan lamang niyang hanguin ang kanyang natatanaw
bilang sangkap sa kanyang pagbuo ng kagandahang may eternal.
Kaya’t nakaaangat ang
tagapagsalaysay na ito ng “Talambuhay ng Aming Nayon” kumpara sa mga kasamahan
niya sa nayon.[6]
Tanging siya lamang ang nakakabatid ng mga pang-araw-araw at partikular na
pangyayaring laganap sa nayong iyon. Bagaman ginagamit ang mga panghalip na
“kami” at pang-aring “amin”, mayroon siyang personal na pagtataya sa mga
nangyayari sa loob ng nayon. Sa kanya nanggagaling ang katatawanan o
kalungkutang mababatid sa kuwento. Hindi lamang isang payak at pangkaraniwang
paglalahad ang ginamit sa kuwento. Sabi nga ni Reyes, “matulain” ang buong
daloy ng buhay sa loob ng kuwento, may mga puwang na lumilikha ng isang iba
pang kahulugan.[7]
Masasabing mayroong sinasabi sa di sinasabi ang kuwento. Dahil sa taos na
pagbibigay ng pansin sa kolektibo, nalulunod ang indibidwal. Nagiging isang
anekdota lamang ang kanilang buhay sa loob ng talambuhay ng nayon. Kaya’t umaangat
ang tagapagsalaysay. Sa kanyang pagsasalaysay sa kanyang pagkakaunawa sa nayon,
naililigtas niya ang kanyang sarili sa pagkalunod kahit na nakikisabay siya sa pag-agos nito.
Bagaman kaisa siya sa balana ng
nayon, isang flaneur, nakakaangat din siya sa lahat, isang dandy.
Bagaman may isang masamang pagkakahulugan ang dandy sa panahon ni
Baudelaire, isang “modernong aristokrasya” ang mga ito para sa kanya.[8]
Tinutuligsa ng isang dandy ang mga “trivial” na bagay. Ginagawa lamang
ng mga dandy ang sa tongin nila’y mahalaga o marangal. Kaya’t may “pride”
o yabang ang dandy, mapagmataas sila dahil sa pagpapahalagang ginagawa
nila. At dahil din dito may kalamigan para kay Baudelaire ang mga dandy.
Ngunit isa rin lamang silang panawid mula sa pabagsak na piyudalismo
patungong demokrasya. Kaya’t sa isang pagbasa, isang pagtutulay ang
ginagampanan ng tagapagsalaysay ng kuwento para sa mga taganayon. Ayon kay
Reyes, “Rasyonal na plano sa buhay at hindi irasyonal na pagsandig sa tadhana ang dapat paunlarin ng mga tao, subalit nananatiling bulag ang mga tao sa
kahalagahan nito.”[9] Itinataguyod ng tagapagsalaysay ang pagbabago tungo sa isang rasyonal na
kamalayan ng mga taganayon. Ngunit kaiba sa mga dandy, na may nostalgia para sa
nakaraang panahon ng aristokrasya at may kaunting pagsalungat, ang
tagapagsalaysay ay pagtataguyod para sa rasyonal, isang katangiang katatagpuan
sa demokrasya ng Kanluran.
Ganoon din, bagaman pastoral ang kuwento, halo ng biyaya at lupit
ang larawan ng kalikasan sa loob ng kuwento. Mayroong pagkain na maaaring
makuha mula sa kalikasan ngunit may maaaring magkaroon ng panahon ng kasalatan
at kalamidad dulot ng bagyo. Para sa kuwento, hindi sa kalikasan kakikitaan ang
“kagandahan” sa loob ng kuwento kundi sa pagsasalaysay ng nayon. Para kay
Baudelaire, ang kalikasan ay kawalan.[10]
Maaaring balikan ang kaniyang depenisyon ng kagandahan upang mahinuha kung
bakit ganito iyon. Binibigyang-halaga ni Baudelaire ang relatibo’t partikular
na elemento ng kagandahan, ang elementong kakikitaan ng galing ng artista, ng
tao. Kaya’t nasa paglalarawan ng buhay nakukuha ang kagandahan ng isang likhang
sining. Kaya’t makikita “maganda” sa kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon” sa
paglalarawan nito sa relatibo o mumunting pangyayari sa harap eternidad upang makabuo ng isang matingkad na
uri ng kagandahan, isang kagandahang modernong-moderno. Sa kanyang paglikha ng
isang nayong buhay na buhay ngunit sabay ding naghihingalo, binabagtas ng
tagapagsalaysay ang kawalang-hanggan ng kagandahan at pati ang partikularidad nito.
[1] Charles Baudelaire, “The Painter of Modern Life” sa Vincent B.
Leitch, Ed., The Norton Anthology of Theory and Criticm (New York: W. W.
Norton and Company, 2001) p. 792-802
[2] Ibid. p. 793
[3] Macario Pineda, “Talambuhay ng Aming Nayon” sa Soledad Reyes ed., Ang
Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento (Quezon City: Ateneo de Manila University
Press, 1990) p. 63-77
[4] Soledad Reyes, “Introduksiyon,” Ang Ginto sa Makiling at Iba
Pang Kuwento. p 32.
[5] Ibid.
[6] Isa siyang indibidwal sa loob ng nayon at hindi lamang isang
kolektibong tagapagsalaysay dahil sa simula ng ika-14 na bahagi ng kuwento,
“akin” ang panghalip na ginamit ng tagapagsalaysay sa halip ng “amin” na
ginagamit sa kabuuan ng kuwento.
[7] Reyes, “Introduksiyon,” p. 30
[8] Baudelaire, “The Painter of Modern Life,” p. 799
[9] Reyes, “Introduksiyon,” p. 32
[10] Baudelaire, “The Painter of Modern Life,” p. 800
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento